Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 549

Ika-18 na labas

“How are you going?” tanong ni James na kasalukuyang ka-chat ni Debbie.

Nakadapa ng higa sa kama ang dalaga.

“I’m doing good. How about you, how’s in work?”

“Work is good. My people working together as one team.”

Ang pakilala sa kanya ni James Louis ay isa itong manager sa isang department store sa California.

“I’m glad to know that you are happy in your work.” Si Debbie.

“Thank you. We should always be happy in everything we do.”

Matapos ang halos isang oras din na pakikipag-chat ay ini-off na ng dalaga ang laptop. Humiga siya ng maayos at tumingala sa kisame.

“Lord, ang saya-saya ko ngayon, ngayon ko lang naramdaman ito… kaya lang, puno ng pag-aalinlangan ang puso ko… hindi ko kasi alam kung pareho ba kami ng nararamdaman… baka friend lang talaga ang tingin niya sa’kin… baka wala naman talaga akong aasahan sa on line… baka hanggang doon lang ito… pero kung anuman po ang plano niyo para sa’kin, para sa amin ni James, tatanggapin ko po… sana lang sa huli matagpuan namin ang isa’t isa…”

Sa apartment ni Leni. Magkakuwentuhan sila ni George sa terrace habang nagkakape.

“Nga pala insan, wala ka bang lovelife?”

“Love life? “

“Oo love life, girlfriend, jowa, o anuman ang tawag mo ro’n?”

“Dati meron, nagkaroon ako ng 3 girlfriend sa America, taga iba’t ibang lugar, pero ngayon I’m very single!”

“Good!”

Napakunot ang noo ni George.

“Bakit ?”

“E kasi naisip ko lang, bakit hindi na lang ‘yung bff ko ang ligawan mo?”

“ANO?”

“Hoy maka-ano ka naman diyan, aminin mo may gandang itinatago si Debbie, konting ayos lang do’n at pwede ng sumali ‘yon sa Miss. Universe! At saka mabait ‘yon.”

“Talaga? mabait?…hindi mo ba nakita kung paano ako pagsungitan no’n?”

Related Posts

Lumapit ng konti si Leni kay George.

“Kasi nga walang lovelife, malay mo magkatotoo sa inyo ‘yung “The more you hate, the more you love” o ‘di ba?”

“Ewan ko ha, we don’t know what the future holds pero sana naman hindi siya ‘yung future ko.”

“Hmp! Grabe naman ‘to!”

Tinungga ni George ang kape na parang alak. Deep inside ay nagugustuhan naman talaga niya si Debbie. Kaya lang may mga bagay muna siyang dapat i-prioritize.

Habang lumilipas ang mga araw ay lalong naho-hook si Debbie sa pakikipag-chat kay James.

Lahat ng mga down time niya sa trabaho at maging sa bahay ay inilalaan niya para dito.

Hanggang sa dumating na nga ang oras na pinakahihintay niya… ang pagkakataong pinakaaasam-asam niya.

“I don’t know if I’m too fast to say this but… I think I’m fallin for you… I’m falling in love with you Debbie…”

Hindi agad nakapag-reply si Debbie. Bagama’t inaasahan niya iyon ay hindi pa rin niya maiwasan ang mabigla. Parang hindi pa rin siya makapaniwala.

“Hello Debbie, are you still there?  if it’s not okay with you, it’s alright, I can wait…”

Ilang saglit pa ang pinalipas ng dalaga bago nagpasyang mag-reply.

“Hello James… I’m sorry… I can’t decide for now… I think I have to think about it… give me some time.”

“As I said, I can wait Debbie.”

Matapos ang usapang iyon ay tumayo si Debbie sa ibabaw ng kama niya at nagtatalon.

“YES! YES! YES! I LOVE YOU JAMES!”

Daig pa nito ang teenager na pinayagang mag-party ng strict parents niya. Pero maya-maya ay natigilan ito at naupo sa kama, tila napapahiya sa inasal niya kahit pa wala namang nakakakita.

Ibinalita agad niya iyon kay Leni habang nanonood sila ng sine na ang palabas ay horror.

“EEEEEEEE!” tili ni Leni.

“Ssshhhh, hindi pa po lumalabas ang multo.” Saway ng nasa unahan nila.

“S-sorry, kala ko ‘yon na ‘yung multo eh.” Hingi ng paumanhin ni Leni sa nakaupo sa harapan.
Siniko siya ni Debbie.

“Ikaw naman kasi bff, hindi ko pa nga sinasagot ‘yung foreigner na ‘yon, makatili ka naman.”

“E kasi naman masyado ka namang magpakipot, ang mga foreigner hindi sila sanay sa long courtship, mas gusto nila ‘yung instant, ‘yung walang waste of time, kung kayo e ‘di kayo, wala namang masama ro’n first of all nasa on line pa lang naman kayo, more on getting to know each other habang minamahal niyo na ang isa’t isa in your own unique ways.” (Itutuloy)