Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 549

Ika-17 na labas

“Yuhooo manang! Alis na ko ha, salamat!”

Wala pa ring tugon.

Nasa likuran lang ng pintuan ng kuwarto si Debbie at nakasandal. Nagpipigil ng wiwi. Wala talaga siyang planong tugunin ang binata. Hinihintay lang niya na makaalis ito.

Maya-maya pa ay narinig na niya ang pagpinid ng pintuan.Saka lamang siya lumabas sa silid at nagmamadaling tinungo ang banyo. Nakaupo na siya ng bowl nang mapatingala siya sa sabitan sa left side ng banyo.

“Oh Lord!”

Napapikit siya at gusto niyang masuka sa nakita. Isa iyong BRIEF na naiwang nakasabit doon at 100% siyang sigurado na kay George iyon! At 100% sure din siya na hinubad ang brief na iyon! Ibig sabihin hindi malinis! Ibig sabihin fresh from the ***.

“Tinatawagan ko lahat ang mga anghel sa langit, alisin n’yo sa harapan ko ‘yan!” over react ni Debbie.

Bago matapos ang araw na iyon ay tinawagan ni Debbie si Leni. Natawa ito sa kabila ng sobrang inis niya.

“Anong nakakatawa sa sinabi ko bff? Nakakadiri ‘di ba?”

“Okay fine, ganito na lang, papupuntahin ko na lang siya diyan para kunin ang naiwan niyang brief okay?”

“Wait lang, bakit siya pa, bakit hindi na lang ikaw?”

“Bff, busy ako, kailangan kong tapusin ang lesson plan ko ngayong gabi.”

“E ‘di bukas mo na lang kunin…”

“Bukas? Sure ka ba na hindi ako busy bukas? Saka gusto mo bang mag-over night pa sa’yo ang brief na ‘yan?”

Natigilan si Debbie. Sa tingin niya wala talaga siyang choice.

Gabi na nang makabalik si George sa apartment ni Debbie. Naabutan niya ang dalaga na nagbabasa ng libro sa sofa.

“Ehem!”

“Nandiyan ka na pala, kunin mo na ang kukunin mo at umalis ka na.”

Pumasok sa loob si George at naupo sa tabi ni Debbie.

Related Posts

“O, bakit naupo ka pa? Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko?”

“Teka lang naman, napapagod pa ko eh, baka pwedeng dito na ako maghapunan?”

“What?”

“Sige na please, nagugutom na kasi ako eh, ano bang ulam mo diyan?”

“Nakikita mo ba kung gaano kakapal ang librong ito?”

Sinipat ni George ang librong hawak ng dalaga.

“Kasing kapal ito ng mukha mo!” mataas ang boses na singhal ni Debbie.

Sinadya ni George na ilapit ang mukha niya sa dalaga na agad namang inilayo ang mukha sa kanya.

“Manang Debs, gusto ko lang namang kumain, kaya pagbigyan mo na ko.”

Tumayo si Debbie bago sumagot.

“Kung gusto mong kumain bumili ka ng sarili mong pagkain!”

Maya-maya lang ay magkasalo na sa hapunan ang dalawa. Tahimik na tahimik. Sige lang sila sa pagkain ng kanin at chopsuey na niluto ni Debbie. Mahihiya ang lamok na lumikha ng ingay dahil sa katahimikang bumabalot sa paligid. Maging ang mga kutsara’t tinidor ay ingat na ingat na ma­kagawa ng kaluskos man lang.

Marahan ang bawat subo ng dalawa. Tila nagpapakiramdaman. Panaka-naka’y nagsusulyapan. Subalit nanatiling pinid ang mga bibig sa anumang salita.

Lingid kay Debbie, sa tuwing malilingat siya ay palihim siyang kinukunan ng picture ni George. Wala itong flash kaya naman hindi napapansin ng dalaga. Kunwari’y may ka-chat ang binata.
Matapos ang nakabibingi sa katahimikang hapunan na iyon ay kinuha na ni George ang undies niya sa banyo. Nilagay niya iyon sa isang paper bag na hiningi niya kay Debbie.

“Siguro naman ito na ang huling beses na maaasar ako sa pagmumukha mo, kung pwede lang ito na ang maging huli nating pagkikita,” ani Debbie bago umalis ang binata.

“Careful what you wish for, you might get it!”

“Iyon nga ang gusto kong mangyari eh.”

“I bet, paggising mo bukas ng umaga, ako ang unang maiisip mo, at hindi ka na maiinis, sa halip, hihilingin mo sa lahat ng anghel na makita akong muli.” nakangiting sabi ni George.

“ANO?”

Ngiti na lang ang itinugon ni George at humakbang na ito palayo sa dalaga.

“Good night Manang Debs! Have a restful night! Sweet dreams!”

Natigilan si Debbie. Pamilyar sa kanya ang linyang ‘yon. Nagkataon lang ba? Every night ay iyon ang last message sa kanya ni James Louis, “Have a restful night. Sweet dreams.” (Itutuloy)