Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 549

Ika-15 na labas

“Ang weird talaga ng babaeng ‘to…”

Matapos patayin ang mga kandila ay muli siyang naupo sa gilid ng kama. Saglit niyang tinitigan ang simpleng kagandahan na nakatambad sa kanya.

Hindi ito ang unang kakaibang ganda na nakita niya sa buong buhay niya, pero sa kauna-unahang pagkakataon ay ito lang ang mukha na gusto niyang pagmasdan.

Umungol ng mahina si Debbie. Tumagilid ito ng higa.

Naakit si George na ilapit ang mukha niya sa mukha nito. Halos marinig na niya ang paghinga ng dalaga. Hindi siya makapaniwala na tila isa itong musika na naghahatid ng ‘di maipaliwanag na saliw ng saya sa puso niya.

Ilalapat na lang niya ang mga labi sa labi nito nang marinig niya ang papalapit na mga yabag kaya naman sa halip ay kinuha niya ang kumot at kinumutan na lang ang dalaga.

Pagkatapos ay inalis ang salamin nito sa mata at ipinatong sa ibabaw ng side table.

“Insan, okay na ba?” tanong ni Leni na bumungad sa pintuan ng silid.

“Oo, pinatay ko na ang mga kandila, baka kasi magkasunog pa dito, lasing pa naman siya…”

“Tama ang ginawa mo… e, naisip ko lang ayoko naman siyang iwan mag-isa dito, ano kaya kung dito na lang tayo magpalipas ng gabi, tutal naman Sunday bukas wala akong pasok,okay lang ba sa’yo?”

“Oo naman!”

“Dito na lang ako matutulog sa tabi niya, tapos ikaw doon sa sofa pag-alis ng mga kaibigan mo.”

“Okay, so pa’no, matutulog ka na rin ba?”

“Hilong-hilo na nga ako, bukas ko na liligpitin ‘yung iba, kailangan ko na rin sigurong matulog.”

Related Posts

“Sige insan pahinga ka na, ako na ang bahalang magsara ng pintuan, saka maya-maya lang pauuwiin ko na rin ang mga ‘yon, ubusin na lang namin ‘yung natirang beer.”

Hindi nga nagtagal at nag-alisan na rin ang mga kaibigan ni George. Tila pagod na pagod na ibinagsak ni George ang katawan sa sofa. Kinuha niya ang cellphone at nag-iwan  muna ng isang mensahe para sa chat mate bago nagpasyang ipikit ang mga mata hanggang sa makatulog.

Umaga.

Nagulat pa si Debbie nang mamulatan niya ng mata si Leni sa tabi niya. Nahihimbing pa ito. Kinapa niya ang cellphone sa ilalim ng unan. Wala ito doon.

“Saan ko ba nailagay ‘yon?”

Naalala na niya.

“Ah, oo nga pala ini-off ko nga pala maghapon kahapon at itinago ko sa drawer!”

Dinampot niya ang salamin sa mata sa ibabaw ng table at saka kinuha ang cellphone at binuksan. Napangiti siya nang mabasa ang mga message ni James Louis kahapon at kagabi. Binati siya nito ng happy birthday.

“Ehem!” si Leni.

“Gising ka na pala…”

“Oo at kitang-kita ng inaantok ko pang mga mata ang nakakaintrigang ngiti sa mga labi mo, sino ba ‘yang ka-text mo?”

“Wala ‘to, natawa lang ako sa post ng isang fb friend ko.”

“Hindi ako naniniwala sa’yo, ako pa ba ang paglilihiman mo?”

Saglit na natahimik si Debbie. Tinatantya ang sarili kung dapat ba niyang i-share agad sa kaibigan ang tungkol kay James Louis.

“Ano, bff?” pangungulit ni Leni na nananati­ling nakahiga.

“Nga pala, bakit dito ka natulog?” (Itutuloy)