Una sa Balita

Sweet Scam Romance

By
0 964

Ika-13 na labas

“Naisip ko kasi masyado nang boring ang buhay mo, at lahat ng birthday mo, kaya eto, sisiguraduhin ko na ito ang magiging pinakamasayang gabi ng kaarawan mo!”

“Okay, wala na akong masabi.”

Pumwesto sila sa salas.

“Debs, I want you to meet these guys, si Nick, Jess and Derik, mga kaibigan sila ng pinsan kong si George, oh by the way this is George, siguro nakita mo na siya sa facebook and naikuwento ko na rin siya sa’yo.”

“Hi Ms. Debbie!” halos sabay-sabay na bati ng tatlo.

Tumango lang si Debbie at tipid na ngumiti.

“Hi Debs!” makahulugan ang ngiting iniabot ni George ang kamay niya sa dalaga.

Mabilis na mabilis lang na nakipag-shake hands si Debbie. Kapag nakakuha siya ng good timing ay sasabihin na niya kay Leni na si George ang lalaking estrangherong tinutukoy niya.

Lumapit si Debbie sa kaibigan.

“Maiwan ko muna kayo, magpapalit lang ako ng damit.”

“Good idea, ang pangit kasing tingnan na naka-pangtulog mo kaming haharapin sa inuman!” nakangiting sabi ni Leni.

Pagbalik ni Debbie ay nagsisimula na ang inuman. Adobong manok na maanghang at kalderetang manok ang niluto ni Leni para sa kaibigan. Pork sisig naman ang ambag ni George.

“Bff, alam ko puro paborito mo itong niluto at dinala namin dito kaya I’m sure mapaparami ang kain mo, pero hinay lang ha, baka sumuka ka!” biro ni Leni.

“Ewan ko sa inyo, hindi ako iinom ng marami pero siguradong dadamihan ko ang kain!” ganting biro ni Debbie.

Sa gitna ng kuwentuhan at inuman ay panay ang nakaw ng sulyap ni George sa dalaga. Iniiwasan naman ni Debbie na mapatingin man lang sa binata. Ayaw niyang magtama ang paningin nila.

“Para kay Debbie!” itinaas ni George ang baso niya.

Related Posts

“Cheers!” sabay-sabay rin nilang itinaas ang mga baso nila.

“Wala bang speech diyan?” hirit ni Jesse.

“Oo nga naman Debbie!” gatong naman ng isa pa.

Dahil may konting tama na ng alak ay napilitan ang dalaga na pagbigyan ang mga ito.

“Okay, okay. Ano nga bang masasabi ko, e ‘di salamat, salamat kasi kahit hindi n’yo naman ako kilala, eto kayo at pinapasaya ako sa birthday ko, at syempre ‘yung pinakamalaki kong thank you ay para sa best friend ko na siyang pasimuno sa kaguluhang ito!” natatawang sabi ni Debbie.

Sinundan iyon ng tawanan.

Kinuha ni George ang tinidor at tumusok ng isang hiwa ng manok. Iniabot niya ito kay Debbie. Nag-alangan ang dalaga kung tatanggapin ito. Pero sa huli ay umangat din ang kamay niya para kuhanin ang iniaabot ng binata pero sa halip ilipat sa kanya ay dinala ni George ang tinidor sa bibig ng dalaga. Dahilan para magsimula ang tuksuhan.

Naghihintay si George na ibuka ni Debbie ang bibig. Pero atubili ang dalaga. Hindi siya sanay ng ganoon at hindi pa niya naranasan iyon sa tanang buhay niya.

Lahat ay tila naghihintay sa pagnganga ni Debbie kaya naman para matapos na ang nakakahiyang eksenang iyon para sa kanya ay isinubo na niya ang hiwa ng manok na bihag ng tinidor ni George.

Ginawa niya iyon para matapos na, pero nagpalala pa iyon sa panunukso ng mga kasama.
“O, ikaw naman Debbie! Subuan mo naman si George para makaganti ka!” tukso ni Derik.
“Oo nga! Gantihan na ‘yan!” hirit din ni Nick.

Nakikitawa lang si Leni.

Kumilos si Debbie. Sa pagkakataong iyon ay ayaw niyang maging kill joy. Kumuha siya ng tinidor at tumusok ng isang manok. Pero hindi lang iyon basta hiwa ng manok kundi malaking hiwa ng manok at saka iniumang sa bibig ni George.

“Teka, teka, hindi yata patas ‘yan Debs!” reklamo ni George sa malaking hiwa ng manok.
“Isusubo mo ba ‘to o ipapahiya mo ako?”

Kibit balikat at naiiling na ibinuka ni George ang bibig. Nagulat siya nang halos isalaksak ni Debbie ang tinidor sa bibig niya. Sinundan iyon ng mas malakas pang tawanan kaysa kanina.

Maya-maya pa ay tila hinahalukay na ang bituka ni Debbie. Pakiramdam niya ay may naghahabulang pusa at daga sa loob ng tiyan niya at anumang oras ay lalabas ang mga ito sa bibig niya.

Kaya naman bago pa mangyari iyon ay nagmamadali na siyang nagpunta sa cr. Mas pinili niyang sumuka sa bowl kaysa sa lababo at makita pa ng mga bisita niya. Pero nalimutan niyang isara ang pinto at hindi niya namalayan ang pagsunod sa kanya ni George.

Naiiling ito habang pinagmamasdan siya sa pagsuka sa bowl.

“GWAARRRK!” (Itutuloy)