Una sa Balita

My sweet-creepy-stalker

By
0 441

(Ika-26 na labas)

Pinahid ni Esang ang namuong luha sa mga mata.

Nakatayo pa rin si Martin sa harap ng pintuan kahit nakasara na ito. Masakit man sa kanya na iwan ang dalaga ay wala siyang magagawa. Kailangan niyang bumalik sa America para sa mga magulang. At wala rin siyang magawa sa desisyon ni Esang kung against man ito sa long distance relationship. Hindi man niya ito maunawaan ay kailangan niyang tanggapin at irespeto ang pasya nito.

Mabigat ang dibdib na tumalikod si Martin. Isang malungkot na sulyap pa sa pintuan bago ito tuluyang humakbang paalis doon.

Hindi makatulog si Esang. Laman ng isip niya si Martin. Tinatanong ang sarili kung tama ba ang naging desisyon niya?

Ilang beses siyang nagpabaling-baling sa higaan. Tumayo at uminom ng tubig. Muling nahiga. Pero ayaw talagang maalis sa isip niya ang malungkot na mukha ng binata. Kinuha niya ang regalong teddy bear nito at niyakap nang mahigpit.

“Mahal kita Martin… I’m sorry…” bulong niya habang nakatitig sa picture nila ng binata na idinikit niya sa wall.

Pinagbigyan pa ni Esang ang hiling ni Martin na ihatid niya ito sa airport.

“Esang, for the last time, please change your mind…” pakiusap ng binata.

“Ano ka ba, cheer up! Hindi ka ba excited na makasama ulit ang mga parents mo?” pilit ang ngiting tanong ni Esang.

“Of course I’m happy to see them again, pero ang kapalit no’n ay ang paghihiwalay nating da­lawa.”

“Tuparin mo ang pangako mong babalik ka, at tutuparin ko rin ang pangako ko sa’yong hihintayin kita.”

“What if may manligaw sa’yo habang wala ako?”

“And what if ma-inlove ka rin sa iba habang wala ako sa tabi mo? Martin kung talagang mahal natin ang isa’t isa then set each other free. Dahil kung tayo sa huli, walang makakahadlang no’n.”

Hindi na sumagot si Martin, sa halip ay niyakap niya ng buong higpit si Esang. Isang yakap na nagpapadama ng pag-ibig na handang magsakripisyo. Matapos ang yakap ay isang masuyo at maingat na halik naman ang iginawad niya sa dalaga. Mga halik na magpapaalala ng damdamin nila para sa isa’t isa.

“Goodbye Martin…”

“Goodbye mahal ko…”

Lumipas ang mga taon. Isang ganap na fashion designer na si Rose Ann Soriano. Hindi man siya sumikat tulad ng pinangarap niya ay matutupad naman ang pangarap niyang makarating sa ibang bansa. Magbubukas kasi ng bagong branch sa Colorado ang pinagtatrabahuhan niyang fashion boutique at isa siya sa dalawang masuwerteng maipapadala doon. Si Jinky ang isa na naging kaibigan na rin niya sa boutique.

Airport.

“Anak mag-ingat ka do’n ha!” si Aling Rosita na napapaluha pa.

“’Yung mga bilin namin ni nanay lagi mong tatandaan.“ si Rhoda na kapit ang anak niyang tatlong taong gulang na babae. Nakapag-asawa na kasi ito.

“Opo. At ikaw bebe magpapakabait ka ha, para padalhan kita ng malaking Barbie doll!” baling ni Esang sa pamangkin.

“Opo tita Esang!”

Habang sakay ng eroplano, naisip ni Esang, posible kayang mag-krus ang landas nila ni Martin doon? At posible rin kayang mag-krus ang landas nila ng ama niya?

Related Posts

Unti-unting kinuha ni Esang sa bag niya ang 3r family picture nila noong buo pa sila. Baby pa siya sa picture. Kahit ayaw na niya, may bahagi pa rin sa puso niya ang nagnanais na sana ay maganap ang mga imposibleng iniisip niya.

Sa isang apartment na sagot ng boss nila tumuloy sina Esang at Jinky. Ibinagsak ni Esang ang pagod na katawan sa malambot na kama ng kuwarto.

“WHOA  AMERICA! Grabe hindi ako makapaniwalang nandito na ‘ko ngayon, magtatrabaho at titira ng matagal!” anang dalaga na nakatingala sa kisame.

Sa branch ng Botique shop na papasukan nila nakilala ni Esang ang bagong manager nilang si Dr. Mills.

“Welcome to our shop, two beautiful ladies!” niyakap ni Mr. Mills sina Esang at Jinky.

“Thank you Sir. Mills!” halos magkasabay na sagot ng dalawa.

Matapos ang ilang saglit na pag-uusap ay tumalikod na ang dalawa para pumunta sa kani-kanilang pwesto. Nang may mahulog mula sa nakabukas na bag ni Esang.

“Hey Rose Anne!”

“Sir?”

Dinampot ni Mr. Mills ang nalaglag na picture sa sahig nang nakangiti pero agad ding napawi ang ngiti nito.

“Rose Anne, you know this guy?”

“H-he is… he is my father…”

“Your father?” gulat na gulat na ulit ni Mr. Mills.

“Yes, but I never grew up with him, in fact I never see him because I’m just a baby when he left… do you know him?”

Hindi maipaliwanag ang lungkot na rumehistro sa mukha ng lalaki. Tumango ito.

“Romeo Andrews… he is my bestfriend…”

Lumakas at bumilis ang kaba sa dibdib ni Esang. Hindi napigilan ang mapaiyak sa pagkakatagpo sa isang tao na magiging daan para matupad ang isa sa dalawang imposibleng bagay na inaasam niyang mangyari. At hindi niya inakalang mangyayari iyon sa napakaagang pagkakataon.

Sinamahan siya ni Mr. Mills kung saan matatagpuan niya ang ama.

Sa isang sementeryo.

“No one knows that he has a family… when he came here from the Philippines, he got sick, and it’s too late when he told us that he has a cancer, lung cancer… being his bestfriend, it’s so hard for me to let him go that way…”

Napaluhod si Esang sa harap ng puntod ng ama. Hindi niya inaasahan na sa ganitong sitwasyon niya ito matatagpuan.

“Tay…” ang pagdaloy ng luha sa pisngi ay sinadya niyang hindi pigilan.

“Rose Anne, I’m so glad to meet you, I’m looking forward to meet your mother and sister too, from now on, your like a family to me because of Romeo.”

“Thank you Sir…”

Nagpaiwan si Rose Anne sa sementeryo. Hindi niya namalayan kung gaano katagal na siyang nakatitig sa puntod ng ama. Punumpuno ng pagdadalamhati ang puso niya, ng panghihinayang sa mga pagkakataon na sana ay nakasama nila ang ama… na sana ay nadamayan nila ito sa panahong kailangan nito ng pamilya. Pero naisip niya, siguro kaya hindi na sila nito binalikan ay mas pinili nitong sarilinin ang sakit para hindi na sila madamay pa sa paghihirap nito. Sa kabila ng nakaraan, buong puso na niyang pinapatawad ang ama sa pagtalikod nito sa kanila at titiyakin niyang malalaman niya ang lahat ng tungkol dito, kikilalanin pa niyang mabuti ang ama sa pamamagitan ng Sir Mills niya. (Itutuloy)