Una sa Balita

My sweet-creepy-stalker

By
0 463

Ika-22 na labas

Natigilan si Esang. Sa kabila ng paglilibang niya ay hindi niya maiwasang isipin si Martin na tila nakalimutan ang birthday niya.

“W-wala rin…”

“Ano? Wala? Aba hindi pwede ‘yon lalo at may trabaho naman siya!”  si Aling Susan na nanlalaki pa ang mga mata.

“Kayo talaga, sige na bola na!” ani Esang na muling tinutukan ang mga cards niya.

Nagkatinginan ang mga bingolera. Hindi man sabihin ni Esang ay nakita nila sa mga mata nito ang lungkot sa mga sandaling iyon kahit pa naglilibang ito.

Gabi. Hindi na umaasa si Esang na maaalala pa ni Martin ang birthday niya. Kaya kahit masama ang loob niya ay tatanggapin na lang niya na mu­ling lilipas ang birthday niya tulad ng dati at hindi na mangyayari pa ang inaasahan niya.

Kung maaga siyang nagising ay inihanda na rin niya ang sarili sa maagang pagtulog. Matapos maghapunan ay naligo ulit siya para maging presko ang pakiramdam sa pagtulog. Inayos na niya ang higaan at nahiga na siya.

Ang nakakainis lang ay hindi pa siya dinadalaw ng antok. Kahit ipikit niya ang mga mata ay nanati­ling gising ang diwa niya.

Maya-maya ay napadilat siya nang tila maulinigan niya ang tunog ng isang gitara.

“Hindi…baka nagkamali lang ako…”

Pero patuloy niyang narinig ang tunog na iyon hanggang sa masaliwan na iyon ng isang boses na kilalang-kilala na niya. Isang lumang awitin na tagalog…

“Bakit ba ganyan, ang ibig ko’y lagi kang pagmasdan.

Umula’t umaraw ay hindi pagsasawaan ang iyong kagandahan…”  tinig ni Martin.

Napabalikwas ng bangon si Esang. Lalabas na sana ng pintuan pero muling bumalik at humarap muna sa salamin. Nagpulbos at nagpahid ng konting lipgloss.

Unti-unti niyang binuksan ang pintuan at bumungad sa kanya si Martin na nasa harapan ng bahay nila hawak ang gitara. Si Jengjeng naman ang humahawak ng mike ni Martin para makakanta ito.

“Damdamin ko’y ibang-iba, kapag kapiling ka sinta…

Ewan ko kung bakit ba ganyan damdamin ay ‘di maintindihan
Kailangan ang pag-ibig mo, dahil sa ako’y nagmamahal sa’yo
Magmula nang kita ay makilala…”

Related Posts

Si Rhoda ang may hawak ng cake na may nakasindi ng kandila. Si Aling Rosita ang may hawak ng malaking teddy bear. Si Weng ang may bitbit ng boquet ng red roses.  Si Aling Susan sa tarpaulin na may nakalagay na happy birthday mahal ko! Habang ang iba ay nagsilbing miron sa haranang iyon.

Ang kanina’y sama ng loob ay tuluyang napawi at napalitan ng ngiti. Sa madamdaming pag-awit ni Martin ng tagalog na kanta ay damang-dama ng dalaga ang pagmamahal nito sa kanya.

“Bakit ba ganyan, kung minsan ay nauutal sa kaba,

Kapag ika’y kausap na ngunit lumalakas ang loob
Kung ikaw ay nakatawa…”

Matapos ang awiting iyon ay sabay-sabay silang bumati kay Esang.

“HAPPY BIRTHDAY ESANG!”

“Thank you!” touch na touch na tugon ng dalaga.

Binitiwan ni Martin ang gitara at kinuha ang bulaklak mula kay Weng saka nilapitan si Esang na nanatiling nakatayo sa pintuan ng bahay.

“Happy birthday mahal ko…”

“Akala ko nalimutan mo…”

“Diba ayaw mo ng celebration, kaya eto na lang, isang simpleng harana, with your family and friends.”

“Thank you Martin, hindi pa ako nag-birthday ng tulad nito…”

“Sorry kung gabi na, kung medyo napasama ko ang loob mo kanina.”

“Kalimutan mo na ‘yon, maliit na bagay, kumpara dito sa hinanda mong sorpresa!” nakangiting sabi ng dalaga.

“Time out, pwede bang gora na tayo inside para naman matikman na natin ang cake, malamok kaya dito sa labas!” singit ni Jengjeng sa dalawa.

“Sige tara na sa loob!” aya ng dalaga.

Matapos ang masaya at simpleng salu-salo na iyon ay nagpaalam na ang mga kaibigan at kapitbahay ni Esang. Pumasok na rin ng kanya-kanyang silid sina Aling Rosita at Rhoda.

Naiwan sa salas sina Martin at Esang. Wala pa silang balak maghiwalay sa gabing iyon kaya naisipan nilang lumipat sa terrace na paborito nilang tambayan para doon magkuwentuhan at sulitin ang ningning ng gabi.

“Ang gandang tingnan ng mga bituin ano? Lalo na siguro kung may telescope tayo!” si Esang na nakatingala sa mga bituin sa langit. (Itutuloy)