Una sa Balita

My sweet-creepy-stalker

By
0 441

Ika-2 na labas

Apat na taon si Rhoda at sanggol pa lang noon si Rose ann. Isa ang nanay niya sa napakaraming kababaihan na nagkaroon ng relasyon sa isang dayuhan noong nagtatrabaho pa ito sa isang club sa Olongapo bilang waitress.

Nang makalipat sila sa Maynila ay ginamit ng nanay nila ang pinag­bentahan ng bahay at lupa nila sa Olongapo para mabili ang ‘di kalakihang bahay nila dito at ang tatlong pintong paupahan mula sa may-aring nag-migrate na sa ibang bansa.

Mahusay sa pananahi si Esang kaya ginawa niya itong hanapbuhay ­dahil hindi pa siya nakakapagkolehiyo. Bata pa kasi ay passion na niya ang ­manahi at magdisenyo ng mga damit. Ang pangarap niyang maging isang sikat na fashion designer ay isinantabi muna niya habang nag-iipon pa siya ng pera para dito.

Ang ate Rhoda naman niya ay inabala ang sarili sa pagtatayo ng isang karinderia dahil hindi nito natapos ang kursong HRM. Doon na lang nito ibinuhos ang atensyon.

Sa edad niya ngayong 18 ay hindi pa nagkaka-boyfriend si Esang, ­hindi tulad ng ate niya na marami ng naging boyfriend high school pa lang, pero wala pa namang balak mag-asawa hanggang ngayon.

Meron din namang mga nanligaw kay Esang, kaya lang wala siyang natipuhan para maging ­boyfriend niya. Pareho silang maganda at mestisa ng ate niya dahil nga sa Amerikano ang ama nila. Pero dahil dito sila isinilang at lumaki sa ­Pilipinas kaya nangi­ngibabaw sa kanila ang pagiging Pilipino. Ni hindi nga sila ­mahusay mag-english.

Ang kuwarto ni Aling Rosita ay malapit sa kusina. Ang kay Rhoda ay malapit sa salas habang ang kay Esang ay kadikit lang ng kuwarto sa inu­upahang bahay ni Jackson.

Dingding lang ang pagitan kaya kung tahimik na ang maingay na paligid ng kanilang lugar ay siguradong mauulinigan niya anumang kaluskos mula sa paupahan.

Oras na ng pagtulog pero mulat na mulat pa si Esang. Marahan niyang idinikit ang teynga sa dingding at nakiramdam.

“Ano kayang ginagawa niya?… parang… parang may kakaibang ­tunog…” bulong ni Esang sa sarili.

Pinakinggan niya itong mabuti.

“P-parang halimaw?… h-hindi kaya… naku ‘wag naman sana, hindi naman siguro siya nagpapalit ng anyo sa gabi!” pananakot ng dalaga sa sarili.

“ESANG!” si Rhoda na nakapameywang sa pintuan ng kuwarto na ­naiwan niyang nakabukas.

“AY HALIMAW!” ang nagulat na bulalas ni Esang na napalingon sa ate niya.

“Ate naman, ano bang ginagawa mo pa rito?”

“Sinilip lang kita dahil nakita kong nakabukas pa ang kuwarto mo, ikaw, anong ginagawa mo, bakit nakadikit ang teynga mo diyan sa dingding?”

“W-wala…”

Related Posts

“Hmmm?” tumaas ang kilay ni Rhoda na hindi kumbinsido.

“Okay fine, pinapakinggan ko lang, para kasing may halimaw…”

“HALIMAW?”

Lumapit si Rhoda at idinikit din ang teynga sa dingding. Saglit nitong pinakinggan ang sinasabi ng kapatid at saka humagalpak ng tawa.

“Anong nakakatawa?” kunot-noong tanong ni Esang.

“Alam mo sis, halimaw ka rin ‘pag mahimbing na ang tulog mo!”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Katulad ka rin niya, humihilik na parang halimaw, hahaha!” sabi ni ­Rhoda na sinundan ulit nito ng malulutong na tawa.

“Ang ibig sabihin, ‘yung naririnig ko hilik niya ‘yon?”

“Oo, diyan ka na nga, matulog ka na ha! baka mamaya managinip ka pa ng totoong halimaw!”  ani Rhoda habang palabas ng silid.

Naiwang nagkukukot ang kalooban ni Esang dahil sa mala-halimaw na paghilik ng lalaki mula sa kabilang dingding.

Kinabukasan ay abala na si Esang sa pananahi. Marami siyang tanggap ng araw na iyon.

Mga uniporme, bestida, shorts, pantalon at kung anu-ano pa. At kapag ganitong very busy siya ay ayaw na ayaw niya ang nagpapaistorbo. Sa loob ng kuwarto niya mismo siya nanahi. Gusto niya kasi ng privacy at sa kuwarto lang niya ito nararamdaman.

“Magandang araw po” nakangiting bati ni Jackson.

Nulinigan ni Esang ang pagbating iyon. Narinig din niyang pinatuloy ng ina ang lalaki.

Napahinto siya sa ginagawa at palihim na sumilip sa salas mula sa maliit na bukas ng pintuan ng kuwarto niya.

Nakaupo si Jackson sa sofa habang kausap ang nanay niya.

“Naku Jackson pasensya ka na ha, ganyan talaga dito sa Maynila bigla-­biglang nawawalan ng tubig, pero kung gusto mo dito ka na lang muna ­maligo sa banyo namin, may stock naman kaming tubig sa drum e.”

Napakunot ang noo ni Esang. (Itutuloy)