Una sa Balita

My sweet-creepy-stalker

By
0 441

Ika-15 na labas

“Anong pinagsasasabi mo, magsisimba lang kami, tayo!”

“Kelan ka ba pinanganak kahapon? ‘Di mo pa ba gets? “

“Hindi, at hindi ko alam kung bakit mo binigay sa kanya ang number ko?”

“Girl naman, wag ka ngang pretender,kitang-kita naman sa ayos mo ngayon na like na like mo ‘yung ginawa ko, tingnan mo nga at nagpaganda ka pa ng husto!” natatawang sabi ni Jengjeng habang sinusuklay ang basa pang buhok.

“Inaya niya kasi akong magsimba, gusto ko lang magpakapormal ng damit para hindi naman nakakahiya, saka isa pa kasama ka namin!”

“Alam mo, sorry, sorry talaga kasi hindi ako available ngayon, kayo na lang carry mo na ‘yon!”

“Ha? bakit may iba ka bang lakad ngayon?”

“Yup, may lakad kami ng classmate ko sa mall, and baka dumiretso na rin kaming magsimba kaya sorry bestfriend ha!”

“S-sige na nga, ingat ka sa lakad n’yo…” patalikod na sana si Esang nang may maalala siyang itanong.

“Jeng, saan nga pala kayo nagpunta ni Martin kahapon, nakita ko kasi kayo…”

“Ah, ‘yon ba, wala nagpasama lang siya sa’kin sa…a basta malalaman mo rin, sige na, gora ka na baka ma-late pa kayo sa misa asan na ba siya?”

Gusto sanang mag-sorry ni Esang sa kaibigan dahil napagselosan niya ito ng wala sa lugar, pero inabot siya ng hiya dahil siguradong kakantiyawan siya nito kaya minabuti niyang palipasin na lang muna ang guilt na nararamdaman.

Related Posts

Paglabas ni Esang sa bahay ni Jengjeng ay naghihintay na sa kanya si Martin sa labas. Hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya dahil pinagtitinginan at pinagbubulungan sila ng mga nasa binguhan. Isa na roon ang ate Rhoda niya na siguradong hindi siya titigilan sa kantiyaw mamayang pag-uwi niya.

Titig na titig naman si Martin sa simpleng kagandahang nakatambad sa kanya. Gustung-gusto niya ang ayos ni Esang sa sarili.

Sa simbahan. Hindi makapag-concentrate si Esang sa homily dahil sa hindi pangkaraniwang pagtibok ng puso niya sa mga sandaling iyon. Kahit magkatabi lang sila, pakiramdam ni Esang ay yakap ng binata ang buo niyang pagkatao, yakap-yakap siya nito nang mahigpit kaya naman tila naninikip ang dibdib niya sa paghinga.

“Esang, okay ka lang?” nag-aalalang tanong ni Martin dahil napansin nito ang madalas na paghugot ng malalim na paghinga ng dalaga.

“H-ha? oo naman, okay lang ako, ikaw okay ka lang ba?”

Nakangiting tumango ang binata.

agkatapos nilang magsimba ay inaya ni Martin si Esang sa isang pasyalan na alam nito.

“Alam mo dito kami madalas pumunta nila nanay nu’ng maliliit pa kami, palagi niya kaming ipinapasyal dito sa Rizal park. Ang dami na ngang nabago eh…” kuwento ni Esang habang naglalakad sila sa pasyalan.

“Ako, this is my first time… I was just five nang mag-migrate ang family ko sa ibang bansa… and all I remember na mga napuntahan naming park ay puro sa ibang bansa na.”

“So anong masasabi mo ngayon sa park natin, mas maganda ba kaysa sa mga napuntahan mo na?”

“It depends…”

“Depende sa’n?”

“Sa kung sino ang kasama mo… kapag nag-iisa ka lang nagpunta sa park, kahit anong ganda nito, you can never see it, but when you walk in the park with the one you love, wala na sigurong mas gaganda pa dito…”

Saglit na natigilan si Esang. Iniisip kung connected ba ang sinabi ng binata sa kanilang dalawa. Huminto sa paglalakad si Martin at humarap sa dalaga. (Itutuloy)