Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Swab Cab ng OVP

0 80

Dire-diretso ang pagtaas ng kaso ng mga apektado ng COVID-19 sa bansa. Napagkuwentuhan natin noong isang linggo ang mga mungkahi natin at ni VP Leni Robredo kung paano maaring mapababa ito. At gaya ng paulit-ulit nating sinasabi, hindi dito nagtatapos ang tungkulin natin bilang mga lingkod-bayan, bilang isang Tanggapan, at simple bilang isang mabuti, may pakinabang, at may pagmamalasakit na Pilipino.

Sinimulan natin ngayong linggo ang ating Swab Cab project. Bilang isa sa mga mungkahi ni VP Leni ang kahalagahan ng pinag-igting pa lalong mass testing, sinigurado nating mayroon din tayong aksyon na makatutulong sa problema.

Malaki ang kakulangan ng testing sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa, lalo na sa NCR kung saan mataas ang mga kaso. Kaya nagsimula ang Swab Cab project sa Malabon, kung saan may mataas na transmission. Sa pilot area na limang barangay dito, makikita natin kung paano pa lalong puwede ma-improve ang proyektong at mapag-aaralan pa natin kung paano mas maraming kababayan natin ang matutulungan.

Sa tulong at kooperasyon ng partners nating Kaya Natin! Movement mayroon tayong mga antigen test kits para sa mga pasyente; UBE Express Inc. naman ang tumulong para makagamit tayo ng tatlong bus; at ang LGU Malabon ang naging katuwang natin para mayroong medical team katulad ng swabbers at mga kasama natin sa orientation at contact tracing.

Ang lahat ng pasyente ay nabigyan ng care package pagkatapos ng testing. Sa mga nagpositibo, may tulong din tayong inabot para sa panahong kailangan nilang mag-self-quarantine. Kasama dito ang pagtulong natin makapaghanda ang Malabon ng quarantine center na may 41 modular tents. Dito maaring mamalagi ang isang pasyente kada tent kung magpositibo at asymptomatic. May supply din siya ng mga health at hygiene kits, pati na ready-to-eat meals habang naka-quarantine.

Related Posts

Kasama sa buong pasilidad ang paliguan, banyo, at hugasan. Mayroon ding 24-hour nurse station para mabantayan ang kalagayan ng bawat pasyente.

Sa target na 1,500 na ma-test sa araw ng Swab Cab roll-out, 502 lamang ang nagpatuloy. Dito makikita natin ang takot ng ating mga kababayan. Maliban sa pagiging positibo sa COVID-19, mas malaking takot ang dala ng gastusin sa ospital, o ang mismong kawalan ng quarantine facility na matutuluyan nila, pati na ang pagtigil nila mismo sa pagtatrabaho.

Sabi ni VP Leni: “Delikado ito. Since there are many asymptomatic patients and those displaying very mild symptoms, we will not be able to control transmission because many of them would still be going around, possibly infecting other people. So we need to seriously think how we can incentivize people to convince them to submit themselves for testing. One way is to give cash assistance equivalent to at least the minimum wage for every day that they are not able to work because they are isolated. Yung problema namin sa OVP, wala kaming resources for this kaya kailangan talagang maghanap ng paraan.”

Isa lang ito sa mga nadikdik sa isipan namin sa pagsisimula ng Swab Cab. Dugtong-dugtong ang mga problema, pero kung iisipin mo, kabit-kabit din ang solusyon niyan. Ngayong may puwede tayong gawin para makatulong sa mass testing, ang susunod na suporta ay para doon sa mga mangangailangan ng tulong kung sakaling magpositibo sila. Kailangan natin ito para mapanatag ang loob ng mga kababayan nating magpa-test at mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pero hindi natin ito magagawa kung magkakanya-kanya tayo. Kailangan natin itong pagtulungan. Kailangan nating suportahan ang bawat isa, bawat programa na nakatuon sa mga kababayan nating nangangailangan. Sana itigil muna natin ang pamumulitika, pabigat lang iyan lalo na sa panahon ng pandemya.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.