Una sa Balita

Suweldo ng mga titser sa ‘Pinas, gawing pantay sa karatig bansa!

0 406

Dedikasyon at sakripisyo—‘yan ang mailalarawan natin sa ating mga titser. Nagsisilbing kaibigan, tagapayo at tumatayong pangalawang magulang sa ating mga mag-aaral. Gaano man kahirap dahil sa tambak at sabay-sabay na trabaho, siguradong kakayanin mapagtagumpayan lamang ang misyon sa pagtuturo.

Ang tagumpay natin at sa lahat ng mga nakapagtatapos ng pag-aaral ay tagumpay din ng ating mga ulirang titser.

Dahil dito, dapat lamang na masuklian ng karampatang kompensasyon at benepisyo ang ating mga titser. Kaya naman, isa sa pangunahing isinumiteng panukalang batas ng inyong lingkod ay ang Senate Bill No. 178, o “An Act Increasing the Salary Grade of Teacher I to Teacher III”. Ito ay ating inihain upang maitaas ang suweldo ng ating mga public school tea-chers sa elementarya at high school mula Salary Grade (SG) 11, 12 at 13 sa SG 13, 14 at 15.

Ito ay ating prayoridad upang maging pantay naman ang Pilipinas sa karaniwang suweldo ng mga guro sa ating karatig bansa mula Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ito ay ating ikinumpara sa mga standard salary rates ng bansang Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam. Base sa aming ginawang research, ang Pilipinas ay pang-lima sa pitong nasabing bansa na miyembro ng ASEAN.

Sa kasalukuyan, ang karaniwan o average na sahod ng mga guro sa Pilipinas kada taon, kabilang na ang kanilang mga benepisyo, ay $18,160; habang sa ASEAN naman ay $27,742. Halagang $55,263 ang taunang teachers’ salary sa Brunei, habang pinaka-mababa naman ang Vietnam na may $3,877.

Kapag naisabatas na ang ating panukala, maitataas ang sahod ng ating mga guro kung saan magiging $21,547 ito kada taon.

Base sa pang-apat na bahagi ng Salary Standardization Law, nakasaad sa ating panukala na itataas mula P20,754 ay magiging P25,232 ang sahod ng mga Tea-cher I buwan-buwan. Ang mga Teacher II naman ay makakatanggap ng P27,755 mula sa da-ting P22,938. Habang P30,531 naman ang para sa Teacher III, mula sa sahod na P25,232.

Malaki ang gampanin ng ating mga titser pagdating sa kaunlaran at progreso ng ating bayan. Kaya naman, tulad na lamang ng ating mga kapulisan at sundalo, mahalaga na sila ay mabigyan at makatanggap ng kompensasyon na karapat-dapat para sa kanilang ibinibigay na puso para sa trabaho.

Tayo po ay kaisa sa adhikaing ito, at umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, mayroon nang positibong pagbabago sa kanilang natatanggap na kita.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy