Una sa Balita

Suspensyon ng ERC ‘Gang of Four’ dinidribol

By
0 7,949
Iginiit ng isang kongresista na isunod na rin sa dapat kasuhan si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera dahil sa pagmamaniobra nito sa suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa apat na commissioner ng ahensiya.
 
Batay sa direktiba ng Ombudsman na may petsang Setyem­bre 29, 2017, ‘administratively liable’ sina Commissioners Alfredo J. Non, Gloria Victoria C. Yap-Taruc, Josefina Patricia A. Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana dahil sa pagpabor sa Meralco at sister companies nito na palawigin ng ERC ang deadline para sa aplikasyon ng competitive selection process (CSP) ng power supply contracts na pinasok ng distribution utilities.  
 
Ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nabanggit na commissioner. 
 
Gayunpaman, sa kabila ng ‘executory nature’ ng naturang direktiba ng Ombudsman ay hindi pa rin diumano ito ipinatutupad ni Devanadera.   
 
Nabatid pa na naghain ng Petition for Review sa Court of Appeals ang mga sinuspindeng opisyal noong Disyembre 2017 para pigilan ang kautusan ng Ombudsman sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Temporary Restraining Order o Writ of Preliminary Injunction, baligtarin ang desisyon at tuluyan nang ibasura ang kasong isinampa laban sa kanila.
 
“But even so, this cannot prevent the Ombudsman order of suspension; this is already a settled doctrine by the Supreme Court,” pahayag ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate. 
 
Mahigpit na tinututukan ni Zarate ang mga usaping may kina­laman sa power supply agreements ng Meralco. Siya ang naghain ng resolusyon sa Kamara kaya inimbestigahan ng House committee on energy ang mga diumano’y midnight deals ng Meralco sa affiliated generation companies nito at ng ERC.
 
Sinabi ng kongresista na mayroon ng mga naunang desisyon na inilabas ang Korte Suprema na katulad sa isyung kinakaharap ng mga ERC commissioner.
 
“…mayroon na ring mga desisyon noon ang Korte Suprema na ang pag-implement nitong desisyon na ito on the administrative aspect of a case… na final and executory… may nagsasabing desisyon ng Korte Suprema na hindi puwedeng ipahinto ito ng TRO dahil it will infringe on the power of the Office of the Ombudsman na i-suspend ‘yung mga tiwaling opisyal. Dahil kailangang magkaroon ng ngipin ang kapangyarihan ng Office of the Ombudsman,” paliwanag pa ni Zarate sa hiwalay na panayam sa radyo kahapon.
 
Binigyang-diin ni Zarate na ‘immediately executor’ ang desisyon ng Ombudsman na nagsususpinde sa apat na ERC commissio­ners.
 
“ERC Chairman Devanadera should immediately implement the Ombudsman’s order suspending the four commissioners or face charges with them as well,” babala pa ni Zarate.