Una sa Balita

Suspek sa pagpatay sa Cavite LGBT vice president nasukol

0 336

HAWAK na ng Cavite police ang dalawang suspek sa pagpatay sa vice pre­sident ng LGBT sa isi­nagawang follow-up ope­ration sa Dasmariñas City, Cavite kamakalawa nang hapon.

Kinilala ni Police Chief Inspector Romulo Dela Rea, hepe ng General Mariano Alvarez Municipal Police Station ang suspek na sina John Paulo Muega, 18, at isang alyas Jayjay, 16, kapwa residente ng Brgy. Luzviminda 2, Dasmariñas City, Cavite.

Ang dalawa ay suspek sa pagpatay kay Cyrus Legarda, 40, binata, vice president ng LGBT sa GMA, Cavite at residente ng Block 25, Lot 5, Brgy. Virata, GMA, Cavite noong October 31, 2018 sa loob ng kanyang bahay.

Sa ulat ni PO3 Luis Divina ng GMA MPS, matapos ang isinagawang operational research, backtracking at mga testimonya ng mga saksi sa tulong ng closed circuit television (CCTV) ay natunton at naaresto ang mga suspek dakong alastres Martes nang hapon sa kanilang bahay sa Brgy. Luzviminda 2, Dasmariñas City, Cavite.

Sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-6:30 nang gabi noong Oktubre 31 kung saan napansin na may kainuman ang una sa kanyang tinitirhan sa rooftop kung saan mag-isa itong nakatira.

Simula noon ay hindi na nakita pang lumbas ang biktima at noong November 3, 2018 ay natuklasan na lamang ni Glenda Gallano, may-ari ng bahay ang bangkay ng biktima sa kanyang higaan na tadtad ng saksak sa katawan.

Nabatid na nagtalo ang biktima at mga suspek kung saan nagpupumilit umano si Legarda na ‘gamitin’ ang mga suspek. (Gene Adsuara)