Suspek sa mayor murder-try, napatay

By

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Patay sa kamay ng dumepensang pulis ang isang murder suspek na nang-agaw ng baril noong Biyernes ng hapon sa loob ng police station dito.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Marlon Cudal nakilala ang napatay na si Alex Aldovino Panganiban, 42, residente ng Purok Damayan, Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City, Quezon Province na nakapiit dito dahil sa tangkang pagpaslang kay Mayor Arvin Salonga ng bayang ito noong Hulyo 31.

Nabatid na dakong alas-2:55 ng hapon noong Biyernes, nakasalang sa interogasyon si Panganiban kaugnay sa standing warrant na inisyu ng Regional Trial Court Br. 18, sa Tagaytay City ukol sa kasong murder.

Galit at nagwala si Panganiban at inagawan ng service pistol na cal. 9mm Glock si PO1 Rolando Ebo at pinutukan si PO2 Alvin Azarcon subalit ‘di tinamaan.

Sa pagganti ni PO2 Azarcon ng putok ay napuruhan si Panganiban kung saan isinugod pa ito sa San Antonio District hospital pero ‘di na umabot nang buhay.

Si Panganiban, at kasamang si Ruelito Olaso Roxas, 51, dating PNP (Philippine National Police) member na nakatalaga sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), residente ng Sierra Madre St., Calmar Homes Subd., Brgy. Canlurang, ay naaresto noong Hulyo 31 bago maisagawa ang kontratang itumba si Mayor Salonga.

Naaresto ang dalawa sa Brgy. Poblacion dito na sakay ang kotseng may conduction sticker VG 0555 na naglalaman ng tatlong baril, isang rifle grenade, dalawang granada, isang airgun, mga bala, tatlong bonnet, tatlong holster, dalawang handheld radios, at dalawang patalim.

Sa isinagawang extrajudicial confession ni Roxas sa harap nina PAO (Public Attorneys’ Office) lawyers Aysac Dalangin at Marilyn Sharina Tovera ay inamin na kinontrata sila ni incumbent San Antonio Councilor Renan Morales upang itumba si Mayor Salonga sa halagang P5 milyon. 

SHARE