Una sa Balita

SUSHI patikim nga Marou Sarne

0 276

Binilog (kinamay) na mainit na kanin na isinasawsaw sa toyo at kalamansi.

‘Yan ang ginagawa ng nanay ko kapag wala kaming ulam noong nasa Gagalangin, Tondo, Manila pa ako. Sa totoo lang, sarap na sarap ako sa “sushi” ng Mama ko. Kaya’t nang magkaroon ako ng kamalayan sa tunay na sushi, natatawa na lang ako kapag naalala ko ang kabataan ko.

Ang orihinal na sushi ay nanggaling sa Katimugang Asya bago pa ito kumalat sa Katimugang China hanggang sa makarating sa Japan noong ika-walong siglo. Ang mga tao sa Asya noong unang panahon ay binabalot sa binurong kanin ang mga isdang inasnan para mapreserba.

Makalipas ang ilang buwan, itinatapon na ang kaning nakabalot at saka kinakain ang isda. Nagsimula lang kainin ang kanin na nakabalot sa hilaw na isda noong kalagitnaan ng 1300s o Muro-machi period sa Japan. Naipakilala naman ang sushi sa Amerika noong early 1900s makaraang magsitunguhan doon ang mga Hapon. Pero 1960s na nang ang mga Amerikano ay ginaya at binigyan ng kaunting pagbabago ang sushi. Ang California maki roll ay naimbento sa Los Angeles noong mga panahong ‘yon.

Sa Pilipinas, walang malinaw na taon kung kailan nadala rito ang Japanese dish na ito. Pero malamang na noong panahon ng Hapon (World War II) nang maipa-kilala sa atin ang sushi.

Ang Acting President ng Commonwealth of the Philippines ng panahong iyon na si Jose Abad Santos, ang lolo ng mga may-ari ng isang sushi restaurant sa Congressional Avenue, Quezon City na sina Mario at Desiree Benipayo. Si Desiree ang sumulat ng libro ng buhay ng kanyang grandfather-in-law at nag-produce din siya ng pelikula nito na pinamagatang Honor: The Legacy of Jose Abad Santos.

Sushi To Go ang pangalan ng kanilang restaurant sa Barrington Place, Congressional Avenue, Quezon City. Nagde-deliver din sila ng sushi, donburi rice meals at sa-lad (text: 0998.954.2688 or FB: gtsushitogo).

Masarap at tama lang ang lagkit ng kanin ng kanilang sushi. Manamis-namis na may kaunting alat naman ang kanilang tamago (rolled egg omelette).
Puwede rin tayong gumawa ng sarili nating sushi.

Japanese rice o Japonica ang pinaka-akmang gamitin para sa paggawa ng sushi. Hugasan ang bigas sa loob ng isa hanggang dalawang minuto sa tuloy tuloy na tubig (puwedeng ilagay ang bigas sa s­trainer) hanggang sa mawala ang mamuti-muting starch o mala-gawgaw sa bigas. Ilagay ang bigas sa lutuan at lagyan ito ng tubig. Dapat ay mga 20% na mas marami ang tubig kaysa sa bigas. Huwag masyadong maraming tubig.

Lutuin ito sa malakas na apoy (high heat) at haluin tuwing isa o dalawang minuto hanggang kumulo ang tubig. Kapag kumulo na, ibaba na ang lakas ng apoy at takpan ang saingan.

Makalipas ang anim hanggang walong minuto, tingnan kung ubos na ang tubig at malalaki na ang butil ng kanin. Ready na ang bigas para sa pagrorolyo ng sushi.

Tandaan lang na dapat ay kahoy na sandok ang ipangkukuha ng nilutong kanin. Ilagay ang kanin sa kahoy na mangkok.

Ang kaibahan ng sushi rice sa ibang kanin, nilalagyan ito ng pampalasa. Mag-halo ng ½ na tasa ng rice vi-negar, 2 kutsarang asukal at 2 kutsaritang asin. Lulutuin at hahaluin ito sa isang maliit na kaldero. Kapag naluto na, ihalo ito sa nilutong kanin. Paghaluin ang kanin at panimpla ng isang minuto..

Sa isang bamboo mat, maglagay ng plastic wrap, at doon naman ipatong ang isang sheet ng nori (seaweed). Maglagay ng sushi rice sa ibabaw ng nori na parang nag-i-spread ng palaman sa tinapay. Ilagay ang mga ingredients (gulay, prutas, kani o maliit na piraso ng isda) papunta sa sentro ng sushi rice. Paikutin na ang bamboo mat ng dahan d­ahan na parang nagliligpit ng banig. Hiwain ang sushi roll ng matalas na kutsilyo. Basa-basain ang kutsil-yo habang naghihiwa para hindi dumikit dito ang kanin.

Ang sawsawan – soy sauce, kalamansi, wasabi paste at pickled na luya.
Ipatikim na sa buong pamilya!

* Mayroon ba kayong unique recipe o restaurant na gustong ibahagi sa amin? Mag-email sa: marou70@gmail.com o pumunta sa FB page: Patikim Nga

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy