Una sa Balita

Survey endorsement, ‘wag pagbatayan ng mga botante

0 335

Ely Saludar

Sa mga botante, dapat na maging matalino sa pagpili ng mga kandidato mula sa national hanggang sa local.

Hindi dapat na mabola at maimpluwensiyahan ng mga resulta ng survey ang desisyon ng isang botante sa ibobotong opisyal.

Mahirap paniwalaan ang mga resulta ngayon ng survey at hindi maiaalis na pagdudahan ito ng publiko.

Hindi rin naman garantiya na mana­nalong senador ang mga pasok sa Magic 12.
Sa mga naunang eleksyon ay mayroong lumabas na mga sorpresang pangyayari at sa mga kandidatong hindi akalain na mananalo at mangu­nguna pa sa resulta ng eleksyon.

Hindi rin dapat na pagbatayan ng isang botante ang pag-endorso ng sinuman dahil ang bawat botante ay dapat matapat na pumili batay sa kanilang pagnanais kung sino ang karapat-dapat na maluklok sa posisyon.

Tulad na lang sa mga kandidatong senador na hindi porke kadikit ng Pangulo ay agad nang iboboto dahil mas mainam na kilatising mabuti kung may kakayahan ba ang mga ito na ma­ging mambabatas.

Hindi rin mainam na lahat na lang ng mauupong senador ay kaalyado at tila sunud-sunuran sa Malacañang dahil mas dehado dito ang publiko.

Dapat ay mayroon ding malakas na oposisyon na magbabantay sa ngalan ng checks and balances sa gobyerno.

Sana naman lahat ng botante ay maging matalino sa pagboto at hindi magsisi kapag nakapuwesto na ang mga nanalo sa eleksyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy