Una sa Balita

SURRENDER OR DIE!

By ,
0 5

Walang kasong kinakaharap si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa pero dahil binigyan siya ng 24-oras ni Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko kundi’y ipapa-‘shoot-on-sight’ dahil nasa “President’s watchlist” siya bilang protektor ng diumano’y illegal drug dealer na anak, lumantad kahapon ang alkalde at iprinesenta ang sarili kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Si Mayor Espinosa ay kusang-loob na sumuko kay Dela Rosa dakong alas-4:15 ng madaling-araw.

Sa pagharap sa media kahapon para ipresenta ang sumukong alkalde, matigas na binalaan ni Dela Rosa ang anak ng alkalde na si Kerwin Espinosa, na sinasabing positibong sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa kanilang lugar, na sumuko na lamang nang payapa o mapatay ito sakaling lumaban habang dinarakip.

“You better surrender or die,” mariing pahayag ni Dela Rosa na tumutukoy kay Kerwin habang ipinipresenta sa media si Mayor Espinosa.

“You should follow your father dahil kung hindi ka mag-surrender mamamatay ka talaga. You better surrender dahil your life really is in danger,” dagdag pa ng chief PNP.

Samantala, dahil wala namang arrest order laban kay Mayor Espinosa, pinayagan ito ng pulisya na makabalik sa Leyte kung saan ipinangakong makikipagtulungan ito sa PNP para maaresto ang kanyang anak.

“Wala namang kaso pa si Mayor kaya hindi s’ya aarestuhin, pero gusto n’ya na nasa custody ko siya dahil natatakot siya para sa kanyang buhay. Inamin kasi niya talaga na supplier ang anak niya ng illegal drugs galing kay Peter Co,” pahayag ni Dela Rosa.

Pero may pahabol itong babala mula kay Dela Rosa na kapag hindi tumupad sa pa­ngako at magsisilbing protektor ng kanyang anak ay hindi ito palulusutin ng batas.

“He promised to cooperate on war against drugs,” paliwanag ni Bato sa media. “The President is giving me 6 months. I am giving him 2 months.”