Una sa Balita

Supply ng tubig sa Metro Manila ‘di mauubos sa tag-araw

By
0 1,250

SAPAT pa din ang imbak na tubig ng Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan para masuplayan ang 97 porsiyento mga residente sa Metro Manila ilang bahagi ng Cavite, na umaasa sa potable water mula sa probinsya at inaasahang aabot ang reserbang tubig hanggang sa unang patak ng ulan ngayong rainy season.

Sa impormasyong nakalap sa tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Malolos City, naitala kahapon nang umaga ang sukat ng Angat Dam sa 192.29 meters na malayo pa sa critical level na 180 meters na siyang kinakailangang sukat upang maalarma sa posib­leng pagkasaid ng water reservoir.

Nabatid na patuloy pa din ang isinasagawang mo­­nitoring ng provincial government ng Bulacan sa paggalaw ng imbak na tubig ng Angat Dam at nakakatulong pa din ang paminsan-minsang pagbuhos ng ulan na tumatama sa Angat watershed area upang hindi kaagad masaid ang imbak na tubig ng reservoir.

Bunga nito, walang da­­pat ikabala ang mga residente ng Metro Manila na umaasa sa maiinom na tubig hanggang pumasok ang tag-ulan dahil mataas pa ang water elevation ng Angat Dam at isa sa pinaghahandaan ngayon ng PDRRMO-Malolos City ang kahandaan ng kanilang tanggapan ngayon tag-ulan dahil sa inaasahang malawakang pag­baha sa probinsya.

Inaasahan ding mabilis na tataas ang imbak na tubig ng Angat Dam sa unang buwan ng tag-ulan at maaaring maaga nitong marating ang critical level at spilling level na 212 meters.

Noong Abril ay nag­reklamo ang Maynilad Water Services Inc. na kulang ang natatanggap nilang raw water supply kaya’t apektado rin ang supply ng tubig ng kanilang customer.

Umaabot ng 60 por­si­yento dapat ang tina­tanggap nilang raw water supply, subalit hindi ito nasusunod simula noong Abril 1.