Una sa Balita

Suportahan natin ang ₱30B supplemental budget

0 397

Nanawagan si Pa­ngulong Rodrigo Duterte para sa pagpapatayo ng mga evacuation center sa lahat ng disaster prone provinces sa buong kapuluan. Kailangan ng malaking pondo sa proyektong ito kaya hiniling niya sa Kongreso na maglaan ng malaking budget para rito.

Para sa mga nabiktima ng pagputok ng Bulkang Taal, sinabi ng ating mahal na Pangulo na kailangan ang P30 bilyong supplemental budget. Ibig sabihin nito, hiwalay ito sa P4.1 trilyong 2020 General Appropriations Act. Tiniyak pa ng ating Pangulo sa kanyang talumpati sa Sto. Tomas, Batangas na kailangang agad na makarara­ting ang tulong sa mga nabiktima ng lindol.

Suportado ko ang panawagan ni Pa­ngulong Duterte. Kailangang makarating agad sa mga nanga­ngailangan ang kaukulang tulong ng gobyerno. Magagawa lang ito kung papaspasan ang deliberasyon ng supplemental budget sa Kamara at Senado. Iwasan din sana ng iba nating kasamahan ang grandstanding at pamumulitika sa plenar­yo para maaga nating matapos ang trabaho.

Tubong Bicol ako kaya ramdam ko ang paghihirap ng mga residenteng napilitang lumikas sa kanilang tahanan dahil sa pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12. Sa Albay, alam ninyo namang madalas mag-alburuto ang bulkang Mayon. Noong pumutok ito noong Enero 2018, umabot din kami sa Alert Level 4 tulad ng sitwasyon ngayon sa Taal. Higit sa 6,000 katao ang nilikas sa Albay at pansamantalang nanirahan sa mga eskuwelahan.

Isa pa sa palagiang problema kapag may kalamidad ay ang paggamit ng eskuwelahan bilang evacuation center. Kaya pag-resume ng klase, wala tuloy magamit na silid-aralan ang mga mag-aaral dahil sa ginamit ito ng mga bakwit. Ang masaklap, may mga pasaway na bakwit na sinisira pa ang mga kahoy na upuan.

Sa datos ng Department of Education, mula 2016 hanggang 2018 higit sa 17,000 eskuwelahan ang ginamit na evacuation center dahil sa mga nagdaang bagyo at lindol. Kailangan na talagang magkaroon ng permanenteng evacuation center kaya tama lang ang naging hakbang ng ating mahal na Pa­ngulo.

Natumbok ni Pangulong Duterte ang problema at tamang latag ng solusyon. Kaya hindi na nakapagtataka na sa loob ng halos apat na taon niyang panunungkulan, sumisipa pa rin ang kanyang approval at trust rating na hindi nagawa ng mga nagdaang pangulo ng bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More