Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Suporta

0 179

May mga salitang pangkaraniwan na sa atin na hindi na natin pansin kung ano ang mas malalim na kahulugan. Halimbawa ang salitang ‘suporta’. Ginagamit natin ang salita bilang kasingkahulugan ng tulong, pagsuporta halimbawa sa isang kaibigang may pinagdadaanang problema.

Ginagamit din natin ang salitang ‘suporta’ kung halimbawa’y may bagay na nangangailangan ayusin upang hindi bumagsak o matumba. Sinusuportahan upang mas tumibay.

Pero hindi lang sa nangangailangan ng tulong mahalaga ang suporta. Nagbibigay tayo ng suporta—pwedeng bagay, salapi, tulong, dasal o di kaya ay moral support—sa mga nagpupunyagi upang makamit ang nais. Ngayong panahon ng halalan, pangkaraniwang maririnig natin ang pagsuporta ni ganito o ganoong personalidad kay ganito o ganoong kandidato. Sinusuportahan ng ganito o ganoong sektor ng lipunan ang kandidatura ng kung sino kandidato.

Sumusuporta tayo sa paraan ng pangangampanya para manalo ang ating minimithing lingkod bayan. Sumusuporta tayo sa artista sa pamamagitan ng panonood ng kanilang pelikula. Sumusuporta sa manunulat sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kanilang akda. Sa mga pintor sa kanilang obra.

Sa sports o palakasan naman, sumusuporta tayo sa koponan o manlalaro upang lalo pa nilang galingan ang paglalaro, upang manalo, upang magkampeon. Madalas, lalo kung hindi tanyag ang sports gaya ng sa basketbol o boksing, ang pagsuporta sa isang atleta ay sa paraan ng panonood sa kaniyang laban sa telebisyon.

Hindi kailangang bumili ng tiket o manood sa pay-per-view. Hindi rin kailangang tangkilikin ang mga bagay na iniendorso kung mayroon man. Sa isang atletang hindi kasingsikat ng mga tanyag na basketbolista at boksingero, ang pagsuporta ay sa paraan lang ng pagtulong sa pamahalaan. Ang pagsuporta ay sa pamamagitan ng pagtustos sa kaniyang pangangailangan gamit ang ating buwis.

Kung ang atleta ay suportado nang husto, ang tuon niya ay para lamang pakakasin ang sarili. Lalong galingan upang masiyahan ang taumbayang hindi man siya pinanonood ay sinusuportahan naman sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis.

Pero parang hindi ganito ang nangyayari lalo sa mga atleta nating hindi kasingtanyag ng mga basketbolista’t boksingero. Bukod sa hindi kumpleto ang suporta, nalalagay pa sa usapin ng pulitika. Ang resulta? Mangibang-bayan. Manumpa sa ilalim ng watawat ng dayuhan.

Nakakapangambang baka mangyari na naman ito dahil sa isyung kinasasangkutan ng isa nating magaling na atleta na ang hanap ay suporta pero ngayon ay sumasakit siguro ang ulo sa mga paratang sa kaniya ng dapat sana ay magpapadaloy ng suporta.

Nagmula ang salitang suporta sa dalawang salitang Latin na ‘sub-‘ na ang ibig sabihin ay mula sa ilalim at ‘portare’ na ang ibig sabihin naman ay pagbubuhat. Pansinin na ang unlaping ‘sub-‘ din ang nasa submarine, sasakyang maaaring maglakbay sa ilalim ng dagat, at subterranean na ilalim naman ng lupa.

Samantala, ang salitang ‘porter’ na tagabuhat sa mga pier at paliparan ay galing din sa salitang Latin na portare. Magandang pagnilayan ang ‘sub-‘ na ubod ng salitang ‘suporta’. Mula sa ilalim. Mula sa mas mababa, mula sa pangkaraniwan. Hindi mula sa mga opisyal na nagpapakataas.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.