Una sa Balita

Suporta sa mga Pilipinong magsasaka

0 725

Ayaw nating dumating ang araw na abandonahin na ng mga magsasaka ang kanilang mga sakahan dahil sa kulang na atensyon at tulong na ibinibigay ng gobyerno sa industriyang ito. Dapat sana ay mula sa pagtatanim hanggang sa anihan ay may presensya ang gobyerno na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan sa pagsasaka.

Kamakailan ay napabalita ang mga magsasaka ng Benguet na napilitang itapon ang kanilang mga a­ning hindi nabenta dahil sa oversupply. Dahil sa pag-uulan noong Dis­yembre, na-delay ang panahon ng kanilang ani at sumabay sa dagsa ng ani ngayong Enero. Hindi tuloy nabawi ng mga magsasaka ang kanilang mga gastos.

Sa mga ganitong pagkakataon, dapat ay nakahanda na ang mga ahensya ng gobyerno ng isang plano lalo pa at madalas namang binabagyo ang ating bansa. Maghanap ng ibang mga merkado o mamimili ng mga ani upang walang nasasa­yang at kikita pa rin ang ating mga magsasaka. Dapat ay may handa ring tulong para sa mga magsasaka upang mapunan ang mga karagdagang gastos.

Isang paraan upang mapaunlad pa ang industriya ng pagsasaka ay ang pag-e-export ng mga agricultural pro­duct ng ating mga magsasaka lalo kung sobra ang pangangailangan sa loob ng bansa. Sa ibang mga bansa, nakakapag-export ang kanilang mga magsasaka dahil na rin sa suporta at tulong ng kanilang gobyerno. ‘Yan dapat ang maging halimbawa ng ating gobyerno imbes na sabihing hindi na agricultural na bansa ang Pilipinas.

Dagdag banta pa sa ating mga magsasaka ang nakaambang na pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Rice Tariffication bill. Maaaa­ring bumaha ng bigas sa ating bansa pag ito ay nilagdaan dahil maaari nang mag-import ng bigas ang mga rice trader ng walang limitasyon.

Sa pagdagsa ng bigas, maaaring hindi makasabay ang mga lokal nating magsasaka sa baba ng presyuhan. Sino pa ngayon ang bibili sa makataru­ngang presyo ng mga ani ng ating mga magsasaka? Ngayon pa nga lang ay binabarat na ng gobyerno ang presyo ng palay sa mga lokal na magsasaka.

 Paulit-ulit nating ipinapanawagan sa gobyerno na mas lalo pang suportahan ang ating mga magsasaka. Dapat ay engganyuhin din ng gobyerno ang publiko na sumabak sa pagsasaka bilang kabuhayan. Patanda na nang patanda ang mga magsasaka natin dahil bihira na sa mga kabataan ngayon ang nag-iisip magsaka dahil marahil nakikita namang walang suporta sa sektor na ito ang ating gobyerno.

 Ang pagtulong sa mga magsasaka ay pagsisiguro na may pagkain ang mga Pilipino hanggang sa mga susunod na henerasyon. Dapat ay mabigyan sila ng sapat na tulong at atensyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy