Una sa Balita

Suporta sa Kto12 sa mga taga-Romblon

0 424

Noong isang linggo, tumulak ang buong Angat Buhay team at mga partner nito kasama si VP Leni Robredo sa isla ng Romblon.

Hindi ininda ang lakas ng alon at init ng araw para mabisitang muli ang mga kababayan natin doon at makapagdala ng tulong na matagal nang hinahantay ng mga komunidad, lalo na ng mga estudyante.

Hindi pa Angat Buhay partner community ang Romblon ngunit dahil isang adopted school ng Yellow Boat of Hope Foundation ang eskuwelahan, sinadya namin ito.

Isang matagal nang partner ng Angat Buhay ang Yellow Boat of Hope Foundation. Sila ang lagi naming takbuhan tuwing may komunidad na na­ngangailangan ng mga bangka.

Sabi nga ni VP Leni nang magsalita sa eskuwelahan, “Ang binibigay po nila iyong mga bangka sa mga coastal communities na iyong mga bata kailangang lumangoy papunta sa paaralan.”

“So iyong mga yellow boat, ginagawa nilang parang mga school boat. Parang iyong mga boat, nagsusundo sa mga isla-isla para dalhin sa paaralan. Iyon iyong umpisa ng Yellow Boat of Hope pero nag-expand na rin nang expand,” dagdag niya.

Ang Santa Maria National High School sa Romblon ay isa sa mga paaralang maliit lamang ang populasyon. Dahil dito, malaki ang kakulangan ng paaralan pagdating sa pondo para mapalakad ng maayos ang programang Kto12.

Sabi ni teacher German Villasis Jr., “One of the challenges talaga is iyong equipment. Sobrang mahirap maka­hanap ng equipment para makapag-offer ng iba’t ibang strands sa senior high school.”

Kaya noong araw ding iyon, dala namin ang kitchen tools at equipment para sa mga estudyante. Kasama nito, may dagdag ding tulong para sa top 2 graduates ng senior high school na isang scholarship grant sa Manila.

Kasama rin namin ang Ramesh Trading Corporation. Sila ang nagbigay kasagutan sa mga equipment na kailangan ng Santa Maria National High School para masimulan ang Technical Vocational Livelihood (TVL) track ng mga senior high school students.

“Malaki talaga ang pasa­salamat at very grateful kami kasi magagamit talaga ng mga bata ito kasi ang mga students dito before, iyong mga graduate ng Grade 10 pumupunta pa sa ibang bayan para makapag-undergo ng TVL track,” kuwento ni teacher German.

“Ngayon since mayroon nang equipment, dito na sila papasok at hindi na mahihirapan sa transportation papunta sa ibang bayan,” dagdag niya.

Malayo man ang Romblon at mahirap puntahan, hindi ibig sabihin hindi natin sila natutulungan. Sa kasalukuyan, mayroon tayong 176 na munisipyong ginagaba­yan ngunit hindi tayo titigil hanggang hindi natin naabot ang pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na bayan sa ating bansa.

Sabi ni VP Leni, “Iyong Angat Buhay po, ang ina-adopt po namin iyong mga mahihirap na mga lugar. Kaya po ang mga pinupuntahan ko hindi iyong mga pinupuntahan na ng iba. Pinupuntahan ko iyong mga hindi napupuntahan. Kaya iyong mga lugar pong in-adopt ng Angat Buhay, iyong bibihira iyong tulong na natatanggap.”

“Kaya ito po talaga iyong hanap namin: Alin ba iyong mga pinaka-malalayo? Alin iyong pinakanangangailangan ng tulong? Iyon iyong pinupuntahan namin.”

Ngayong mahal na araw, nawa’y sa pag-gunita natin sa sakripisyo ni Kristo, maalala natin kung gaano niya kamahal ang mga naghihirap at sana’y sumunod tayo sa Kanyang yapak ng pagtulong sa mga nasa laylayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy