Una sa Balita

Suporta sa frontliners ibuhos pa!

0 689

Walang nakapaghanda sa delubyong dulot ng coronavirus na ito. Hindi ang maliit na bansang tulad ng Pilipinas, at hindi rin ang mga super powers tulad ng US, China, Japan at mga bansa sa Europa.

Nanalasa ang COVID-19 na parang isang masamang panaginip at marami ang hindi na nagising sa bangungot. Sa huling tala, 785,709 ang bilang ng may virus sa buong mundo. Sa Pilipinas malapit na sa 2,000 ang mga kaso.

Maihahalintulad natin ang nangyayari ngayon sa Old Testament ng Bibliya. May pesteng nanalasa at sinabihan ni Moises ang mga taga-Israel na manatili sa loob ng bahay, magpatay ng tupa at ipahid ang dugo nito sa labas ng pinto. Lahat ng sumunod ay hindi dinapuan ng peste.

‘Yan ang kwento ng Passover o Paskua na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano. Napapanahong balikan ang mga aral na ‘yan sa nangyayari sa buong mundo at sa paparating na Holy Week. Peste = COVID 19. Loob ng bahay = quarantine. Tupa = sakripisyo. Noon at ngayon, ang lahat ng sumunod sa pinaguutos ay nabuhay.

Malinaw na hindi tayo handa sa coronavirus.

Na-overwhelm o hindi kinaya ng ating health system ang biglang pagdami ng pasyenteng may COVID-19. Napuno ang mga ospital, nagkulang sa medical supplies at testing kits, natambakan ng trabaho ang mga laboratoryong awtorisadong magproseso ng kits. Nagkulang sa ventilators.

Overload sa trabaho ang frontliners at health workers natin sa dami ng mga COVID-19 pasyenteng dumagdag pa sa dati na nilang pasyenteng inaalagaan. Marami sa kanila ang nahawa, na-quarantine ng 14 days kaya lalo silang nabawasan sa bilang, at ilan sa kanila ay namatay sa serbisyo sa bayan.

Nagulantang rin ang pamahalaan sa bilis ng paglaganap ng virus. Naglabasan ang lahat ng problema na pawang kinakailangan ng mabilis na aksyon at pondo. Napilitan ang pamahalaang magbaba ng utos sa mayors at barangay captains upang pangunahan nila ang pagbibigay ng subsidy sa mga arawang trabahador at mahihirap na hindi makalabas dulot ng lockdown.

Related Posts

Sa panahon ng krisis at hindi na kinakaya ng gobyerno ang bigat ng tungkulin, doon naman pumapasok ang mga walang pangalang indibidwal at pribadong grupo na nag-aambag ng pera, pagkain, medical supplies, tirahan at transportasyon para at ating frontliners. Parang sa pelikula, ‘pag hindi na kinakaya ng bida, may mabubuting taong biglang lalabas upang tumulong at matalo ang kontrabida.

Ipagpatuloy natin ang pagbigay ng suporta sa frontliners sa abot ng ating makakaya. Nasa direktang panganib sila habang tayo’y nasa loob ng bahay kapiling ang ating pamilya.

Mali at agad na itigil ang nababalitaan nating diskriminasyon na ipinapakita ng ilan laban sa kanila. Kung wala sila, wala tayong kakayahang labanan ang COVID-19.

Saludo tayo sa lahat ng ating medical frontliners – doctors, nurses, laboratory, radiology at ancillary staff, at pharmacists.

Saludo tayo sa mga manggagawang patuloy na pumapasok upang siguruhin ang produksyon at supplies ng gamot, pagkain at pangunahing pangangailangan ng mga tao.

Sila at medical frontliners ang araw araw na dumadaan sa roadblocks. Panawagan natin sa LGUs, pulis at militar na nagmamando sa roadblocks: bigyan natin sila ng konsiderasyon at huwag na pahirapan pa at hingan ng dagdag na requirements tuwing dadaan. Sapat na ang ID na patunay na frontliners sila at nabibilang sa essential services.

Sa DOH, DSWD, pulis, militar, mayors, konsehal at kagawad, salamat sa inyong serbisyo at presensya sa mga pampublikong lugar, sa pag-iikot sa mga barangay upang alalayan ang mga may sakit at mahihirap nating kababayan, at pagpapatupad ng peace and order. (END)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More