Una sa Balita

Suporta sa edukasyon, suporta sa Zamboanguita

0 339

Isa ang public education sa haligi ng anti-poverty framework ng Angat Buhay program ni VP Leni Robredo. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga oportunidad sa ating mga kabataan para makapag-aral, binibigyan natin sila ng pag-asa sa mas magandang buhay. 

Kaya sa pag-usad ng mga programa ng Angat Buhay, isang malaking bahagi ang pagsigurado nating tinututukan natin ang edukasyon. Isa na rito ang programa sa Brgy. Mayabon, Zamboanguita sa Negros Oriental. 

Bago matapos ang Pebrero, dumalaw ang Angat Buhay team kasama si VP Leni sa Zamboanguita para opisyal na buksan ang proyektong pinagtulungan ng local go­vernment unit (LGU), Office of the Vice President (OVP), at Angat Buhay partner. 

Malaking problema sa munisipyo ang tumataas na bilang ng mga out-of-school youth. Maraming kabataan ang napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil bukod sa kahirapan, kulang rin ang mga silid-aralan. At sa mga pagkakataong mayroon man, malayo naman ito. 

Kuwento ni kuya Jaime Gumizad, teacher-in-charge sa Moises Bangay Alanano Ele­mentary School, “Dati ang mga kabataan ay naglalakad simula 3 to 8 kms. Nakakalungkot dahil ang mga kabataan maliliit na bata. Minsan hindi nakapagpatuloy sa pag-aaral dahil malayo.”

“Iyong iba sa highway maglalakad, ang iba tatawid sa sapa. Pareho delikado dahil sa mga sasakyan, tapos tumataas din ang tubig kapag naulan.”

“At talagang problema rin ang classroom. Gawa lang sa kahoy ang mga dingding, sa kamalig lang ang mga estudyante. Kaya problema kapag umuulan at kapag tirik ang araw.”
Maliban sa siksikang silid-aralan, iisa rin ang banyo na pinaghahati-hatian ng mga estudyante.

 Kaya’t katulad ng ibang mga Angat Buhay project ni VP Leni, inaral natin kung paano mabibigyan ng solusyon ang problemang ito. Dahil sa pakikipagtulungan ng LGU at sa kabutihang-loob ng mga Angat Buhay partner, nabigyang-kasagutan natin ang problema ng mga kabataan, magulang, at guro sa Brgy. Mayabon.  

Noong isang linggo, pormal nang binuksan ang bagong tayong school building sa Moises Bangay Alanano Elementary School. 

Dalawang kongkretong silid-aralan ang ngayo’y magagamit ng mga estudyanteng mula Kindergarten hanggang Grade 6. Mayroon ding tig-isang maayos at malinis na palikuran ang mga classrooms na ito.

“Natuwa ako dahil alam ko na matutuwa din ang mga kabataan na mayroon silang bagong eskuwelahan na malapit sa kanilang lugar,” kuwento ni kuya Jaime.

“Nagpapasalamat kami sa opisina ni VP Leni Robredo dahil talagang tinututukan niya ang isa sa mga programa ng gobyerno—ang edukasyon. Maraming salamat sa kanya at naghanap siya ng ideya o tao na makapagbigay sa amin, makatulong sa amin para matayuan ng bagong building.” 

“Ito ay makakatulong sa pag-unlad ng mga kabataan para makapagbigay kami ng magandang edukasyon sa kanila. Makakatulong din ito sa mga estudyanteng hirap pumasok dahil hindi na malayo ang lalakbayin nila para makapag-aral,” dagdag niya. 

 Isa lang ito sa maraming proyekto ng Angat Buhay sa 176 communities sa buong bansa. At dahil sa patuloy na pagsuporta ng mga partners at pakikipag-ugnayan ng mga LGU, napakarami pa nating magagawa para sa ating mga kabataan at kanilang kinabukasan. 

Sabi nga ni VP Leni, “Alam natin ang kaha­lagahan ng edukasyon. Sa ating mga Pilipino, ito ang nagbibigay ng pag-asa na makaahon sa kahirapan ang ating mga pamilya.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy