Una sa Balita

Suporta na lang kayo

By
0 4

Utos ito ng Pangulong Duterte sa Philippine National Police kaugnay sa kampanya ng kanyang administrasyon laban sa iligal na droga.

Sa memorandum na may petsang ika-10 ng Oktubre, ipinagdiinan ni PDu30 na tanging ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA lamang ang ahensiya ng gobyerno ang mangunguna sa pagsugpo ng salot sa lipunan – ang iligal na droga.

Malinaw sa memorandum ang usapin ng ‘accountability.’

Kapag nagkakaroon kasi ng bulilyaso sa ‘anti-drugs operations,’ nagtuturuan ang mga yunit sa pumalpak na operasyon.

Ngayon iisa na lamang ang bida, ang PDEA na.

Maliban sa PNP, inatasan din ang National Bureau of Investigation, Sandatahang Lakas ng Pilipinas, Bureau of Customs, Philippine Postal Office, iba pang ahensiya ng gobyerno o anumang mga tanggapan at mga task force kontra iligal na droga na hayaan ang PDEA sa lahat ng ‘anti-illegal drugs operations’ ng gobyerno.

Anumang impormasyon na makukuha ng mga nabanggit na ahensiya may kinalaman sa iligal na droga ay agad dapat ipaabot sa PDEA.

Agad namang dapat kumilos ang PDEA.

***

Subalit, nilinaw ni PDu30 na hindi nanga­ngahulugan na magpapakampante na ang PNP sa trabaho.

Dapat pa ring manatili 24/7, ang ‘police visibi­lity’ sa mga komunidad para maudlot o mapigil ang anumang aktibidad ng iligal na droga.

Ang inaalis lamang sa mga parak at mga tauhan ng iba pang nabanggit na ahensiya ay ang paglulunsad ng ‘kinagawian at kinasanayang’ mga ‘buy-bust operation,’ na malimit nagreresulta sa kamatayan ng mga target.

***

Ngayong may sapat na ngipin na, kung hindi man ay pangil ang PDEA, maiiwasan na kaya na may matumba sa mga hinaharap na ‘anti-illegal drugs operations’?

Magkaroon kaya ng pagbabago sa ‘profile’ ng mga nahuhuling ‘drug personalities’ mula sa mga mahihirap, makakakita na kaya tayo ng mga ‘big time Narco Boss’ na makakalaboso at madagdagan ang madadakmang ‘high value target?’

Dahil halimaw ang kalaban ng PDEA, – alam naman natin kung ano ang kakayahan ng isang halimaw – may sapat bang gamit at tauhan ang ahensiya katulad ng ‘elite unit’ na mayroon ang PNP, NBI, at AFP?

O kukuha rin ang PDEA ng puwersa sa mga nabanggit na ahensiya para matugunan ang kinakailangan ‘muscle requirement’ para sa ‘anti- illegal drugs operations’?

Ano ang mangyayari sa siyamnaraang mil­yong pisong (P900-M) Tokhang budget ng PNP para sa taong 2018?