Una sa Balita

SUPER TYPHOON

By , , ,
0 19

Isa nang ganap na ‘super typhoon’ ang bagyong Lawin at nakataas na sa Tropical Cyclone Warning Signal No. 5 ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Apayao at Kalinga.

Sa 5:00 p.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang super typhoon Lawin ay may lakas na hangin na aabot sa 225 kph malapit sa gitna at pagbugsong 315 kilometro kada oras.

Namataan ang sentro ng bagyo sa layong 275 kilometro sa silangan timog-silangan ng Tugue­garao City. Kumikilos ito sa direksyon ng kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras at tinutumbok ang lalawigan ng Cagayan at Isabela.

Sa tracking ng PAGASA, tatama ang mata ng bagyo sa probinsya ng Cagayan alas-12:00 ng hatinggabi at mararanasan ito hanggang ngayong umaga ng Huwebes.

Babala ng PAGASA na mag-aala-‘Yolanda’ ang lakas ng bagyong Lawin dahil aabot sa 800 kilometro ang dala-dala nitong diametro na magpapaulan sa halos buong Luzon.

Nakataas ang Signal No. 4 sa mga lugar ng Ilocos Norte, Abra, Ilocos Sur, Mountain Province, Ifugao at Calayan Group of Islands.

Signal No. 3 sa La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, northern Aurora; habang Signal No. 2 sa Batanes Group of Islands, Pangasinan, Aurora, Tarlac, Nueva Ecija, northern Zambales, northern Quezon at Polillo Islands.

Signal No. 1 sa Metro Manila, Zambales, Bulacan, Bataan, Pampanga, Rizal, Quezon, Cavite, Laguna, Batangas, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Albay.

Maging alisto

Naglabas ng sariling manual o gabay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa super typhoon ‘Lawin’.

“Ngayon na may bagong malakas na bagyo, lalong kailangan maging handa at listo tayo sa anumang dulot ng sakuna,” paalala ni DILG Secretary Ismael D. Sueno.

Ayon kay Sueno, magagamit ng mga local officials ang ipinamigay nilang “Oplan Listo” manual upang maging gabay sa pagpapatupad ng necessary precautions at mahalagang paghahanda sa pagtama ng bagyong Lawin.

Ani Sueno, nakasaad din sa Oplan Listo manual ang listahan ng mga direktiba at kapangyarihan ng isang local chief executive sa pag-convene ng disaster meeting sa Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC).

Magdasal para sa ating kaligtasan — Simbahan

Nag-alay ng dasal ang Simbahang Katolika sa posibleng maging epekto ng pananalasa ng bagyong Lawin na nakatakdang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay Fr. Augustus Calubaquib, Social Action director ng Archdiocese ng Tuguegarao, inihahanda na nito ang mga parokya sa kanilang lalawigan at pinaalalahanan ang lahat na mag-ingat at sumunod sa anunsyo ng mga awtoridad.

PNP, AFP, DILG nakahanda

Todo handa na ngayon ang puwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pag­hagupit ng super typhoon Lawin.

Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos, may coordination na sila sa LDRRMC para sa anumang ayuda na maibibigay ng PNP.

Ipinakalat na ang search and rescue teams ng PNP sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.

Naka-standby na rin ang mga rescue team ng AFP maging ang kanilang mga rescue equipments.

P1.2B relief fund

Mahigit P1.2 bilyon ang nakahandang stockpile at standby funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa bagyong Lawin.

Ayon kay DSWD Secretary Judy M. Taguiwalo, ang pondong ito ay gagamitin sa pag-ayuda sa mga rehiyon na madadaanan ng hagupit ng bagyo.

Partikular na nakatutok ngayon ang relief operation ng DSWD sa hilagang Luzon dahil ito ang puntirya ng super typhoon Lawin.