Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Super Swerte wagi sa PCSO Silver Cup

0 160

NAKAREBANSE si Super Swerte kay Boss Emong matapos angkinin ang panalo sa 2021 Philracom PCSO Silver Cup na nilarga nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Dumiskarte si jockey Andrew “Boom Boom” Villegas, hinayaan nitong mauna si Union Bell sa largahan at ipinuwesto ang anak nina Art Moderne at Faster Tapper na si Super Swerte sa tersero upang mabantayan ang mahigpit na karibal na si Boss Emong na nasa pangalawang puwesto.

Papasok ng far turn ay kumuha na ng unahan si Boss Emong pero sinundan agad siya ni Super Swerte kaya naman nagkapanabayan ang dalawa sa huling kurbada.

Bakbakan sa rektahan, inakala ng mga karerista na makukuha ni Boss Emong ang panalo dahil nakalamang ito ng dalawang kabayo pero lumabas ang tikas ni Super Swerte at tinawid nito ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat.

“First big win ko kaya masayang-masaya po ako, sana magtuloy-tuloy hanggang Presidential Gold Cup,” saad ni Villegas.

Nirehistro ni Super Swete ang impresibong 1:50.6 minuto sa 1,750-meter race sapat upang hamigin ni Mayor Sandy Javier, may-ari ng kabayong Super Swerte, ang tumataginting na P2.4M sa event na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ng Philippine Racing Commission sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.

Hinamig ng owner ni Boss Emong ang second place prize na P800,000 habang P400,000 at P200,000 sina Union Bell at Greatwall na dumating na tersero at pang-apat.

Napunta ang P120,000 at P80,000 sa fifth at sixth na sina Princess Eowyn at Pangalusian Island.

Natalo si Super Swerte kay Boss Emong sa Chairman’s Cup nang magharap sila noong Hunyo. (Elech Dawa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.