Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sunog sa Tondo: Pamilya na-trap, 5 patay

0 76

Patay ang limang miyembro ng isang pamilya nang ma-trap sa loob ng bahay habang lima pa ang nasugatan matapos na sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng isang babay, kamakalawa ng hatinggabi sa Parola Compound, Tondo, Maynila.

Kinilala ng Manila Bureau of Fire Protection ang mga biktima na sina Jake Loyola, 37, may-ari ng bahay na nasunog sa Gate 20; at kanyang mga anak na sina Noah Loyola, 3; at Kiefer Loyola, 8; at sina Richard Tigas, 10; at Jeric Tigas, 12.

Habang nagtamo naman ng 2nd degree burn at sugat sa katawan ang mga biktimang sina Cyrus Frank, 9, na nagtamo ng 2nd degree burn; Sonny Boy Jovita, 23; Rea Adriatico, 37; Rodulfo Cadigal Jr., 44, at Marbin Alperes, 45.

Nabatid na alas-11:53 Sabado ng gabi nang ideklara ang unang alarma na umabot ng ika-apat na alarma ala-1:49 ng madaling-araw, bago naideklarang under control alas-5:04 ng madaling-araw at tuluyang na fire out alas-6:11 ng umaga kahapon.

Nahirapan umano ang mga bombero na apulahin ang apoy dahil sa makikitid na eskinita papasok sa compound, gayundin sa malakas na ihip na hangin na naging dahilan nang mabilis na paglagablab at pagkalat ng apoy sa mga katabing kabahayan.

May ulat rin na isang fire volunteer ang pinagsasaksak nang tumanggi na bombahan ng tubig ang bahay ng mga biktima at may nang-agaw rin ng hose ng tubig para mabombahan ang kanyang bahay.

Sa pagtaya ng mga awtoridad aabot sa 300 tahanan na karamihan ay gawa sa light material ang natupok sa sunog at 600 pamilya naman ang nawalan ng tahanan at kasalukuyang nanunuluyan sa compound ng Manila International Container Terminal (MICT).

Tinatayang aabot din sa P3 milyon ang halaga ng mga natupok na mga ari-arian at patuloy na inaalam ang sanhi ng apoy. (Juliet de Loza-Cudia)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.