Una sa Balita

Sunog sa Currency Tower

0 32

Kaabang-abang kung ano ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection ng Pasig City sa insidente ng sunog na nangyari sa condominium na sinasabing pag-aari ng mag-asawang Senador Cynthia at dating senador Manny Villar.

Walang fire extinguisher sa hallway, hindi gumagana ang water sprinkler sa nasunog na condo unit at wala pang fire alarm.

Ang ipinagtataka ni Pasig City Fire Marshal Supt. Arturo Marcos ay halos isang taon pa lamang umano ang Currency Tower na matatagpuan sa Ortigas Center. Kaya malaking katanungan sa kanilang imbestigasyon kung bakit walang mga emergency equipments sa nasunog na condo.

Mahigpit ang batas at mga regulasyon para sa mga establisimi­yentong katulad ng condominium. Kapag nagpatayo ng ganitong gusali dapat kumpleto sa mga pasilidad hanggang sa emergency equipments na magagamit sa panahon ng sakuna katulad ng sunog.

Sa nangyaring sunog sa Currency Tower ay mismong tenant nito ang nagbunyag sa mga awtoridad na sa kakulangan ng mga emergency equipments sa loob ng kanilang condo.

Maituturing na ‘disaster waiting to happen’ ang kalagayan ng condo kung sa lahat ng palapag nito ay kulang o hindi gumagana ang mga emergency equipments/facilities.

Mabuti na lamang at walang nasawi sa insidente at walang grabeng nasaktan o nasugatan sa sunog.

Hindi dapat palagpasin ito ng mga awtoridad. Tamaan na kung sino ang tamaan pero dapat mayroong managot kung mapapatunayan sa imbestigasyon ang mga pagkukulang ng may-ari ng condominium para sa kaligtasan ng kanilang mga tenant.