Una sa Balita

Sunog sa Bilibid sumiklab

0 133

Tinupok ng apoy ang isang bahagi ng gusali ng Medium Security Compound sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kahapon nang madaling-araw sa Muntinlupa City.

Base sa report ng Muntinlupa Bureau Fire Protection (BFP) alas-3:30 nang madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa imbakan ng mga Korean handicraft na matatagpuan sa Samsung Building sa nasabing piitan.

Ayon sa report, ang buong gusali ang imbakan ng mga tuyong kogon na ginagawang dekorasyon ng mga preso ay halos natupok ng apoy.

Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog at tumagal nang halos limang oras ang sunog at mag-aalas-otso nang umaga nang ideklarang fire out.

Malayo naman sa kulungan ng mga preso ang naturang gusali kaya’t walang nadamay sa sunog.

Nagpatupad naman ng mahigpit na seguridad ang NBP na ma­ging ang mga kagawad ng pamatay sunog ay dumaan sa inpeksyon sa pagpasok sa loob bago tulu­yang pumasok upang magreponde sa nasabing sunog.

Maging ang mga miyembro ng mga mamamahayag ay hindi pinayagan na makapasok sa loob at todo bantay ang ginawa sa kanila ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor).

Wala rin naiulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sunog.

Patuloy naman nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga arson investigator upang mabatid ang naging sanhi ng sunog. (Armida Rico)