Una sa Balita

Sumunog sa Abante naplakahan ang motor

0 290

NAPLAKAHAN na ng Parañaque City Police ang dalawang motorsiklong gi­namit ng apat na armadong kalalakihan na umatake at sumunog sa prin­ting house ng Abante News Group sa Parañaque City nitong Lunes nang madaling-araw.

Sa panayam kay Police Col. Robin Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police, sinabi nito sa pag-iikot ng kanyang mga imbestigador at pagsisiyasat ay mayroon sila pang nakitang nakalagay na CCTV camera sa isang establisimi­yento sa compound ng Vitales, Barangay San Isidro.

Sinabi ni Sarmiento sa pangalawang hard disc na kopya ng CCTV footage na kanilang pagbusisi ay nakitang mayroong plaka ang dalawang motorsiko subalit aniya hindi pa masyadong malinaw ito kaya’t kinakaila­ngan munang ipabasa sa tanggapan ng PNP Anti-Cybercrime Group sa Camp Crame upang malinaw at ma-trace ang plaka nito.

“Kumpirmado po ito at tama na da­lawang motorcycle at dalawang riding in tandem na apat ang sakay nito. ‘Yun po ang tinitingnan namin ngayon, ‘yung plaka ng motorcycle at baka mabasa natin kapag ito ay pina-enhance namin ito sa cybercrime” ani ni Sarmiento.

Sinabi pa ng opisyal dalawang CCTV footage na ang kanilang hawak subalit aniya sa unang CCTV na nakuha nila sa Barangay San Isidro ay may kalabuan ngunit may nakita silang dalawang motorsiklo na apat na kala­lakihan ang pumarada sa tapat ng planta ng nasabing pahayagan na pag-aari ng Prage Management Corporation.

“Lahat po ng hawak namin na CCTV ay ipapasuri po namin ito sa tanggapan ng anti-cybercrime group at doon ay magagawan ng paraan upang malinaw ito,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi pa ni Sarmiento, maraming anggulong kanilang tinitingnan dito sa nangayari ng pag-atake sa printing plant ng Abante.

Una aniya, binasa naman nila ang kopya ng Politiko 365 magazine ay wala naman silang nakikita na tinatarget na partikular na isyung masama dito.
Sinipat na rin nila ang mga headline ng Abante at Abante Tonite kung may kinalaman dito ang ginawang pag-atake.

“Sa dalawang linggong isyu ng mga diyaryo na aming nabasa ay wala naman kaming nakikitang masaktan, pero patuloy pa rin namin itong ina­alam kung may mga taong nabangga o nasaktan sa mga isyung ipina-publish” dagdag pa ng opisyal.

Sa ngayon ay binubusisi din ng mga imbestigador ang mga headline para sa buwan ng Agosto.

Sinisilip din ng mga imbestigador ang mga dating empleyado na natanggal at nagdemada sa National Labor Relation Commission (NLRC).

Ang Abante ay binili ng Prage Management Corp. sa Monica Publishin­g Corporation noong 2017.

Samantala ayon naman sa pahayag ni Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Nolasco Bathan, patuloy pa rin ang pagkalap ng impormasyon ng pulisya para makilala at mahuli ang apat na armadong lalaking na umatake sa nasabing printing plant. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy