Una sa Balita

Sumpunging aktres binantaang ihuhulog sa imburnal

By
0 1,635

Sumpong. Tantrums. ‘Yun ang pinakamatinding problema ng mga produksiyon sa mga personalidad. Kapag hindi maganda ang kanilang gising, kapag problemado sila sa lovelife, asahan nang maraming madadamay sa kanilang sumpong.

‘Yun ang pinoproblema ng mga production staff sa isang pamosong female personality. Kapag hindi maganda ang timpla ng kanyang utak ay tiis-tiis lang muna ang kanyang mga katrabaho.

Kuwento ng isang source tungkol sa kilalang babaeng personalidad, “Ibang klase ang babaeng ‘yun! Nu’ng magsabog ng sumpong ang langit, e, nasalo yata niyang lahat ‘yun! Pagdating pa lang niya sa set, e, para na siyang nakakaamoy ng hindi maganda sa pagsimangot niya!

Abante Hiring – IT dep

“Kapag kinakausap siya ng staff para sa mga gagawin niya, e, nambabara siya, ayaw niyang makipag-usap nang maayos, sirang-sira ang mundo niya!

“Ayaw niyang nakakarinig ng ingay, kaya kapag may mga nag-uusap-usap sa tabi ng dressing room niya, e, naiinis siya! Agad na niyang sasabihan ang kasama niyang PA na bawalin ang mga nasa labas sa pag-iingay dahil hindi raw siya makapag-concentrate sa pagbabasa ng script niya.

“Nakakaloka siyang katrabaho! Binubusisi niya ang lahat. Pati CR ng dressing room niya, nagiging biktima rin ng tantrums niya! Mabaho raw, madumi, nagpapahanap siya ng pang-spray!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Tuloy ay napagkukumpara sila ng isang sikat na female personality na walang kaarte-arte sa katawan. Magkapareho lang ang kanilang linya, mas sikat pa nga kesa sa kanya ‘yung isa dahil may titulo na, pero kinakabog niya sa kaartehan.

Balik-komento ng aming source, “Naku, sikat na sikat na ang isang ‘yun, pero hindi mo siya poproblemahin. Kung ano ang nand’yan, e, okey na sa kanya. Hindi siya mapaghanap, hindi rin siya sinusumpong, kaya masarap siyang katrabaho!

“E, ang isang ito? Ang sarap niyang itulak sa tulay, ang sarap-sarap din niyang patirin para mahulog siya sa imburnal!” matinding pagtatapos ng aming source.

———–

Mga non-showbiz na kalaban ni Dupaya nagsama-sama

Nung Biyernes nang hapon, kasama si Atty. Ferdinand Topacio, ay magkakasamang dumating sa Wan­ted Sa Radyo ang mga diumano’y biniktima ng negosyanteng si Kathy Dupaya para magsumbong na kay Raffy Tulfo.

Bukod kay Ynez Veneracion ay meron ding ibang pinagkakautangan ang Brunei based businesswoman na nagbigay ng kanilang hindi kagandahang karanasan sa pinagkatiwalaan nilang magpalago ng kanilang milyonang puhunan.

Talagang nag-usap-usap na ang mga pinagkakautangan ni Kathy Dupaya, large scale estafa ang kasong isasampa nila laban sa negosyante, dahil sa kanilang mga milyones na ipinangakong pakikitain ni Kathy pero ang kinauwian ay wala.

Maraming nagpapalagay na sa casino bumagsak ang kabuhayan ni Gng. Dupaya. Ayon sa kanyang mga kaibigan nu’n ay napakasuwerte raw niya sa paglalaro, milyunan daw ang panalo niya araw-araw, pero ngayon ay lumalabas na napakalaki na pala ng kanyang natatalo sa kinahiligan niyang sugal.

Kuwento ng isang kaibigan naming nagtatrabaho sa isang casino, “Napakarami nang na­ging milyonaryo sa casino!” Sagot naman ng kanyang kausap, “Talaga? Nagiging milyonaryo sila sa pagsusugal?”

“Oo. Mga dati silang bilyonaryo na ngayon, e, milyonaryo na lang dahil sa laki ng kanilang ipinatatalo!”

Ganu’n.