Una sa Balita

Summa kay mommy, ginto kay Samboy

0 442

Like father like daughter!

Ito ang pinatunayan ni Philippine karateka Jamie­ Lim, anak ni Philippine Basketball­ Association (PBA) Samboy ‘Skywalker’­ Lim, matapos makasipa­ ng gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games.

Ginaya ni Jamie ang accomplishment ng amang si Samboy nang maka-gold sa biennial meet sa women’s 61kgs. kumite event kahapon sa World Trade Center sa Pasay City.

Pinataob ni Lim sa final round si Indonesian Ceyco Zefanya sa iskor na 2-1.
Kuwento ng dalaga, lubha siyang masaya dahil kababalik lamang niya sa training mga limang buwan pa lang ang nakalilipas dahil nag-concentrate siya sa kanyang pag-aaral.

Nagtapos si Jamie na summa cum laude sa University of the Philippines sa kursong BS Mathe­matics. Ang kanyang ina na si Atty. Darlene Berberabe ay summa cum laude rin ng UP sa kursong Philosophy.

“Sobrang against the odds po, because ‘yung mga kalaban ko, full-time athletes po sila. Nag-full time lang ako like five months ago,” saad ni Lim na pinasala­matan rin ang kanyang coach na si Okay Arpa.

“Karate has always been in my heart po, and 2019 SEA Games in the Philippines, how special is that, ‘di ba?”

Ito rin ang ikalawang gold ng national karate team matapos ang unang ginto ni Junna Tsukii nitong Sabado.

Matatandaan naman na nagwagi rin ang ama nitong si Samboy ng gintong medalya noong 1985 SEA Games sa men’s basketball competition bilang bahagi ng Philippine team. (Janiel Abby Toralba)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More