Una sa Balita

Sumikip, kumipot ang daan ng Gilas!

By
0 846

SABI nga sa Ingles, foregone conclusion. Maski ano ang mangyari, siguradong suspendido na ang siyam na manlalaro ng Gilas na nakipagbakbakan sa mga Australayano noong Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bulacan.

Ang siyam ay sina Andray Blatche, Jayson Castro, Terrence Romeo, Roger Pogoy, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Matthew Wright, Carl Bryan Cruz at mga reserve player na sina Jio Jalalon at Allein Maliksi.

Para sa mga hindi nakakaalam, nagkaroon din ng rumble sa pagitan ng China at ng Brazil noong 2010.

Exhibition ang nasabing laban pero nasuspinde ang Chinese basketball federation at mga manlalaro na nagbanatan.

Ngayon pa kayang opisyal na laban ang nakaraang paghaharap ng Gilas Pilipinas at Australia? Ang tanong ay kung masasama sa suspension at fine na ipapataw ng FIBA ang Samahang Basketbol ng Pilipinas. Kapag nangyari ‘yan, malamang na hindi makalaro sa paparating na Asian Games sa Indonesia ang Pilipinas.

Isa lang ang tanong ko sa mga nangyari: Hindi ba kasamang papatawan ng suspension o fine ang mga referee sa nasabing laro? Na­ging inutil sa laro ang mga referee na inatasan ng FIBA para sa nasabing game.

Bukod diyan, move on na tayo. Kalimutan na ang lahat at siguruhing sa mga susunod na laro ng Gilas ay kontrolado ng mga opisyal ang mga manlalaro para hindi na maulit ang nasabing bagbagan.

Ang tanong nga­yon ay kung sino-sinong manlalaro ang ipapalit sa siyam. Hindi kasama sa mga nasuspinde sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood, at Baser Amer kaya malamang na sa kanila iikot ang team na mabubuo para sa susunod na FIBA qualifying window na gagawin sa Setyembre.

Pamilyar ang Pinoy basketball fans sa mga koponang susunod na makakalaban natin – ang dating Asian champion na Iran, Kazakhstan at Qatar. Kasama natin ang tatlo sa Group F kung saan nanduon din ang Australia at Japan.

Dalawang beses nating makakalaban ang Iran, Kazakhstan at Qatar. Si­yempre, kailangan nating manalo sa naturang mga laban para masama tayo sa top three sa Group F na papasok sa FIBA World Cup sa China sa 2019.

Hindi magiging madali ang daan para sa Gilas Pilipinas, lalo na’t siguradong mga replacement player ang lalaro sa Setyembre. Mas sumikip nga ito, mas lalong kumipot.

Pero siguradong nandiyan pa rin ang puso.