Una sa Balita

Suman: Ang ‘pambansang pagkain’

0 384

Ayon kay Ige Ramos sa kanyang bagong aklat na ‘Lasa ng Republika, Dila at Bandila: Ang Paghahanap sa Pambansang Panlasa ng Filipinas’, sa tanong kung mayroon bang maituturing na pambansang panlasa o pambansang pagkain, sagot niya na ang dilang Pilipino ay hindi maikakahon sa iisang pambansang kamalayan.

Dahil bago sila Pilipino, sila muna ay Tagalog, Ilocano, Cebuano, Bisaya, Bicolano at Kapampangan. Kung nais daw talagang maabot ang awtentikong lutuing Pilipino, kailangang balikan ang pagkain ng ating mga ninunong Austronesyano na gawa sa gabi, niyog, halamang dagat, talbos at pag-iihaw at pagkain ng hilaw na isda.

Ngunit ayon kay Ige, kung talagang kaila­ngan ng isang bansa na pumili ng kanyang pambansang pagkain, ang pipiliin niya ay ang suman. Bakit? Bawat bayan daw sa Pilipinas mula Batanes hanggang Tawi-Tawi merong bersyon nito. Kinakain ito ng Lumad, Moro at Kristiyano. Puwedeng kainin kahit nag-iisa ka o may kasama at kinakain din sa tuwing may mga pagdiriwang at seremonya.

Nakabatay ang mga sangkap nito sa mga produktong minana natin sa mga ninuno nating Autronesyano — bigas at dahon ng niyog, sa­ging, hagighik, nipa o sasa bilang pambalot.

Sa pamamanhikan, nagdadala ang pamil­ya ng lalaki ng suman upang mapawi ang ‘hiya’ bago ‘pumanhik’ sa bahay ng babae. Karaniwang sumang talampak o magkayakap ang ipi­namamahagi sa mga pagkakataong ito.

Gayundin, ginagawang penitensya ang paggawa ng suman dahil ito ay mahirap

Gawin — ‘mabusisi/maburiri/matrabaho’. Isa itong porma ng pagtitiis, matapos ay iaalay ang mga suman ng mga parokyano sa mga kaparian sa kumbento.

Suman sa ibos ng Antipolo ay nagkalat tuwing alay lakad sa Kuwaresma. Ngunit hinahain din ito ng mga Muslim tuwing Ramadan at Eid al Fitr.

Dagdag ko na may pamaskong kanta na pinamagatang ‘Tuwing darating ang Pasko’ na may mga titik na “Tuwing darating na ang Pasko tayo’y nagdiriwang, at kahit na anong hirap may pagsasaluhan. May suman sa ibos at mayroon ding ginataan…”

Ayon kay Ige Ramos: “Ang niyog, bigas, at tubo ay mga panguna­hing sangkap sa paggawa ng suman na simbolo rin ng mga pananim ng pang-aapi (crops of oppression). Kahit malupit o mapait ang sinapit ng mga gumagawa nito, mula sa ating mga ninuno… nagbunga naman ito ng iba’t ibang makasining na kakanin sa ating kapuluan na naging bahagi na ng kamalayan.”

At higit sa lahat, sa panahon ng Himagsikang 1896 laban sa mga Espanyol, suman ang pangunahing pagkain ng mga nakibaka at nagbuwis ng buhay para sa ating kalayaan dahil ito ay ‘siksik at madaling bitbitin’.

Napakalalim ng kahulugan ng suman sa ating buhay bilang isang lipunan. Hindi maaaring lechon ang pambansang pagkain dahil may ilang hindi kumakain nito, pero ang suman, kinikilala ng lahat ng kultura sa Pilipinas.

Kaya tulad ng suman na nagbubungkos-bungkos, nawa ay magkaisa rin ang mamamayang Pilipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy