Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Sulitin ang bakasyon ng mga chikiting

0 105

Nagtapos na naman ang isang school year at bakasyon na ang ating mga chikiting. Kahit na mas maraming oras natin silang kasama lalo na sa mga hindi pa bumabalik sa face-to-face classes, iba sa pakiramdam ang gigising sila at hindi kailangang umattend ng klase o gumawa ng modules.

Dahil marami silang libreng oras, ano kaya ang mga makabuluhang bagay na pwedeng gawin kasama sila ngayong bakasyon?

Ito ang ilan sa mga paraan para masulit at maging makabuluhan ang bakasyon ng ating mga chikiting:

  1. Alamin ang interes ng mga anak. Mahilig ba siya sa arts and crafts? O di kaya sa musika? O baka naman medyo sporty ang inyong mga anak at interesado sila sa iba’t ibang klase ng sports? Importante na alam natin kung ano ang hilig ng ating mga anak para malaman natin kung ano ang mga swak na activities na talagang maeenjoy nila.
  2. I-introduce sa kanila ang pagbabasa. Isa ang mga batang Pilipino sa may mababang reading comprehension ayon sa pag-aaral ng Programme for International Student Assessment (Pisa). Ibig sabihin, hindi lubos na nauunawaan ang binabasa. Kaya, pagkakataon na ito para hasain ang reading comprehension ng mga bata at maengganyo sila na magbasa. Pwedeng simulan sa mga maiikling kwento, alamat at mga pabula para makuha ang kanilang interes at atensyon.
  3. Maghanap ng support group sa komunidad at sa internet. Kung nahihirapan kayong mag-isip ng activity ideas, pwedeng sumangguni sa inyong komunidad, baka may mga summer class na iniaalok. Maaari ring i-check online kung may support groups para sa mga magulang na kapareho ninyo na nag-iisip kung anong pwedeng gawin habang bakasyon. Siguraduhin lang na legit ang mga sources sa internet.
  4. Lumabas at dalhin sila sa mga community park at pasyalan isang beses isang linggo. Magandang bonding ng pamilya at makakapag-ehersisyo pa ang mga bata kung minsan isang linggo ay ilalabas natin sila sa mga parke at pasyalan. Siguraduhin lang na sila ay naka-face mask at mayroon pa ring social distancing bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
  5. Gawing masayang aktibidad ang pagtulong sa gawaing-bahay. Ang bakasyon ay pagkakataon din na mahubog ang mga bata sa gawaing-bahay. Ito ay napakahalagang life skill na pwede nilang matutunan at dadalhin hanggang paglaki. Kung tayo ay magluluto, isali natin sila sa proseso. Pwedeng paghimayin ng malunggay o magputol ng sitaw. Ipagkatiwala natin sa kanila ang pagsasaing at pag-hahain. May nakatoka rin maghugas ng plato at magtaob ng mga ito. Dapat iparamdam sa kanila na enjoy ang gawaing-bahay at hindi ito pabigat.

Hindi kailangang gumastos para ma-enjoy ng mga bata ang bakasyon. Ang bonding ng pamilya at pagkatuto ng ilang skills ay sapat na para maging masaya at makabuluhan ang kanilang bakasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.