Una sa Balita

Suicide bomber natigbak sa Sulu encounter

0 240

NAPATAY sa engkuwentro ng militar ang isa sa dalawang natitirang suicide bomber na inatasang magpasabog sa lalawigan ng Sulu, ayon sa ulat ng opis­yal ng militar kahapon.

Kinilala ang napatay na suicide bomber na si Nanz Sawadjaan, nakababatang kapatid ni Tausug bomb maker Mundi Sawadjaan at pamangkin ni Abu Sayyaf Group (ASG) leader Hatib Hadjan Sawadjaan.

Dahil sa pagkakapatay kay Nanz Sawadjaan, isa na lang umano ang hinahanap ng mili­tar na suicide bomber­ na planong maghasik ng lagim sa Mindanao partikular sa Sulu, ayon kay Joint Task Force (JTF) Sulu Spokesperson Army Lt. Col. ­Gerald Monfort.

Ayon pa kay Monfort, napatay si Sawad­jaan nitong Martes nang hapon matapos ang engkuwentro ng 41st Infantry Battalion at 64th Division Reconnaissance laban sa tinatayang 40 miyembro ng ASG na pinamumunuan nina Almujer Yadah, Ben Tattoh at Apo Mike sa Sitio Tubig Pansol, Brgy. Langhub sa nabatid na lalawigan.
Matatandaang una ng sinabi ni Western Mindanao Command (Wesmincom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na limang teroristang suicide bomber ang nakatakdang magsagawa ng bomb attack sa Sulu.

Tatlo na sa mga ito ang nakapagsagawa ng pag-atake kabilang ang unang Pilipinong suicide bomber na si Norman Lasuca kung saan inatake nito ang tactical command post ng 1st Brigade Combat team ng Philippine Army sa Indanan, Sulu noong Hunyo 28 ng taong ito, anim ang nasawi sa nasabing pambobomba.

Nitong Setyembre 8 naman ay isang babaeng Caucasian looking­ na naka-abaya ang pinasabog ang sarili bago pa man ito makapasok sa isa pang mili­tary detachment. Bukod sa suicide bomber ay walang naitalang casualty sa pangyayari dahil sa maagap na pagharang ng mga bantay na sundalo sa nabatid na kampo.

Enero 27 naman nitong taong din ito ng maganap ang twin bombing sa Jolo cathedral na ikinasawi ng kulang sa 30 katao at ikinasugat ng aabot sa 100 iba pa.

Napag-alaman na mag-asawang banyagang suicide bomber ang may kagagawan ng pag-atake sa nabatid na simbahan. ­(Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy