Una sa Balita

Sugal at baha

0 325

Bukod sa tubig na dulot ng ulan mga tsong, binabaha na rin ng sugal ang Pilipinas. Kamakailan nga lang, tumigil na naman ang mundo ng mga taga-Metro Manila dahil sa baha, habang tuloy na naman ang ligaya ng mga tumataya sa lotto.

Sabi ng ating mga ka­tsoran, dapat daw bang tanggapin na lang natin ang katwiran ng mga opisyal na “mas madali namang mawala na ang baha ngayon.” Aba’y kahit paniwalaan natin na madaling mawala ang baha ngayon, hindi naman maaalis ang katotohanan na mas madali na ring bumaha.

Gaya nga ng nangyari noong nakaraang linggo, wala namang bagyo at hindi naman talaga ganoon katindi ang ulan pero lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila. Ang resulta, ubod ng bonggang trapik, at walang masakyan ang kawawang mga pasahero hanggang sa gabi.

Hanggang sa katwiran na lang daw ba na “madali namang mawala ang baha” ang kayang gawin ng mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ng DPWH ni Sec. Mark Villar? Hindi raw ba nito kayang makaisip ng proyekto na puwedeng ipagmalaki na wala na ang baha o kaya man lang eh hindi na ganoon kalalim ang baha kahit malakas ang ulan?

Sa isang ulat na lumabas, maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na kasama rin sa mga ahensiya na dapat kumikilos para mawala ang baha, eh umamin na mas mabagal ang paghupa ng baha noong 2018 kumpara noong 2017.

Kung noong 2017 ay humuhupa na raw ang baha sa mga kalye ng Metro Manila pagkaraan ng mahigit 18 minuto para makausad na ang mga natenggang mga sasakyan, noong 2018, naging 30 minuto raw bago mawala ang baha. At ang isang pinaniniwalaang dahilan nito eh mas kokonti ang mga daluyan ng tubig na nalinisan ng bara, at walang anti-flood project na nakumpleto. Iyan ay kahit tatlong taon nang tumatakbo ang kasalukuyang administrasyon at si Villar sa DPWH.

Papaano kaya nga­yong taon at sa dara­ting pang tatlong taon, magtitiis pa rin kaya tayo sa katwirang “mabilis namang mawala ang baha?”

At habang patuloy na bumabaha ng tubig-ulan sa Pilipinas, patuloy din na bumabaha sa atin ng pasugalan. Asahan na raw mga tsong na lalo pang palalakasin ang Philippine offshore gaming operator (Pogo), na ngayon eh mga Chinese ang bumibida. Pero may balak din na ibenta sa iba pang bansa ang Pogo tulad sa Europe.

Iba pa siyempre ang mga pasugal na lotto, small town lottery at iba pang number games ng PCSO, at mga iligal na jueteng, loteng, masiao at iba pa.
Matapos ang ilang araw na suspensiyon mga tsong ng draw sa lotto, pinayagan na uli ito ng Palasyo pero tigil pa rin ang STL, na sinasabi ni Senator Ping Lacson na ginagamit na front ng mga operator ng iligal na sugal na jueteng.

Ginawa ang STL para siyang tatapos sa jueteng at iba pang illegal number games pero hindi nangyari. Ayon kay Ping, lalo pa ngang naging malaya ang ope­rasyon ng jueteng dahil nagpapanggap na STL ang mga nagpapalakad nito. Ang matindi, sabi pa ng senador, mas dumami ang mga retired police at military officials na nakakuha ng prangkisa para magka-STL, at hindi naman daw nagbabayad o nagre-remit nang tamang kita sa gobyerno ang mga ito.

Kaya kung ang senador daw ang masusunod, mas magandang itigil na ang STL para wala nang ‘mapagtaguan’ o magamit na front ang mga jueteng operator. In short, kapag may nakita ang pulis na kubrador at nagbobola, hindi mo iisipin na baka STL ‘yan…kaya puwedeng hulihin agad.

Pero bakit kaya kung ang mga opisyal ngayon ng kapulisan ang tatanungin eh sinasabi nila na wala na raw jueteng? At ang pinapangambahan daw nila, mabubuhay ang jueteng kapag itinigil ang STL.

Para nga pala sa kaalaman ng ating mga tsokaran, may malaking ‘share’ ang PNP sa kita ng STL. Sabi sa isang ulat, P15.7 bilyon daw ang kinita ng PCSO sa STL noong 2017, at nakakuha ang PNP ng ‘parte’ na P314.9 milyon, at P78.7 milyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ang naturang parte, ginagamit naman daw ng kapulisan sa kanilang kampanya kontra sa iligal na sugal. Pero hirit ng isa na­ting tsokaran, hindi ba trabaho naman talaga ng PNP sugpuin ang mga iligal? Oo nga naman. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy