Una sa Balita

Student fare discount malapit nang isabatas — Angara

By
0 367

UMAASA si Senador Sonny Angara na bago matapos ang klase ngayong school year 2018-2019 ay maisasabatas na ang kanyang panukala na gawin nang permanente ang 20 percent fare discount ng mga estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon.

Ayon kay Angara, sakaling malagdaan na ng Pangulo ang panukala ay mapakikinabangan na ito ng mga mag-aaral na uuwi pa ng kani-kanilang lalawigan para makapiling ang kanilang pamilya.

“Hindi kailangang maghintay ng mga estudyante natin ng promo fares sa eroplano o sa barko. Dapat, meron silang regular na diskuwento sa pamasahe kahit sa mga transportasyong ito, upang ‘di naman sila nahihirapang umuwi sa kanilang pamilya kapag summer vacation na magsisimula ngayong Abril,” saad ni Angara.

Sa ilalim ng Senate Bill 1597 ni Angara, papalawakin ang sakop ng student fare discount upang mapa­sailalim na rin ang mga pamasahe sa eroplano, barko, at tren.

Sa panukala, ang diskuwento ng mga mag-aaral ay ipatutupad araw-araw sa buong taon kahit pa holidays o weekends.
Inaprubahan ang panukala sa ­Senado noong Oktubre habang nakalusot ito sa Kamara noong isang buwan.

Sa sandaling malagdaan na ng mga opisyal ng magkabilang sangay ng Kongreso ang nasabing panukala, agad na itong isusumite sa Malacañang para malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at tuluyan nang ma­ging batas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy