STREET SWEEPER NA-HEAT STROKE
By Juliet de Loza-CudiaPatay ang isang 57-anyos na street sweeper na inatake dahil sa sobrang init habang nagpapahinga matapos magwalis sa gilid ng kalye, kamakalawa ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Ronald Gallo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-kuwatro ng hapon nang madiskubreng bangkay na ang biktimang si Mario Velasco, walang tiyak na tirahan, sa gilid ng Doroteo Jose Street, kanto ng Rizal Avenue, sa Sta. Cruz.
Nabatid na kilala umanong tagawalis ng kalsada sa area ng Doroteo Jose ang biktima at doon na rin halos naninirahan.
Sinabi ni Arnold Tejada, 55, vendor, at residente ng 968 Oroquieta Street, Sta. Cruz, napuna niyang nagpapahinga ang biktima at tila nahihirapang huminga.
Related Posts
Hindi naman umano niya ito gaanong pinansin dahil batid naman nilang may sakit na tuberculosis (TB) ang biktima.
Nagulat na lang umano si Tejada nang ilang dumaraan ang magsabing tila hindi na humihinga ang biktima na nakahiga sa lugar, at nang kanilang makumpirmang patay na ito ay kaagad nang ini-report sa pulisya para sa kaukulang imbestigasyon.
Dinala ang bangkay sa Archangel Funeral Parlor para sa awtopsiya at safekeeping.
Mapapansin ang sobrang init ng panahon nitong nakaraang mga araw na sinunundan ng biglaang buhos ng ulan sa bandang hapon at gabi.