Una sa Balita

State-sponsored ba ang patayan? — Ping

By
0 7

Hindi lang ang hustisya sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos ang hangad ng gagawing imbestigasyon ng Senado kundi nais din ni malaman kung state-sponsored ba ang paglobo ng mga taong napapatay sa anti-illegal drug operation.

Ito ang inihayag ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs na naatasang mag-imbestiga sa mga naganap na patayan sa Bulacan, Maynila at CAMANAVA area noong nakaraang linggo.

“`Yan ang dapat nating tingnan kasi bakit 32, 24, sinundan pa ng iba’t ibang areas,” ani Lacson.

Aminado ang Senador na malaki ang magi­ging implikasyon kapag nakumpirma sa imbestigasyon na inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na pumatay ng drug suspect.

Nitong Linggo ng gabi ay nagkasundo ang mga miyembro ng majority bloc na imbestigahan ang kontrobersya sa pagkamatay ni Delos Santos at alamin ang posibleng ‘accountability’ ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya laban sa iligal na droga na nagresulta sa ‘unnecessary and unjustified deaths’.

Samantala, mariin namang itinanggi ni Lacson ang puna ng mga kritiko na walang saysay ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado kung hindi naman ito susundin ng Malacañang at ng PNP.

Ang kritisismo ay bunsod ng ginawang pagbabalewala ng Department of Justice sa naging rekomendasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs na kasuhan ng murder si Supt. Marvin Marcos at ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa isang alkalde habang nasa loob ng kulungan.

“May nangyayari rin pag nagkaroon ng imbestigasyon. Nagiging conscious ang awtoridad, specifically ang executive department na mag-review,” depensa ni Lacson.