Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Starpay mas malala sa Pharmally- Senado

0 163

Ginisa ng mga senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa pamamahagi nito ng ayuda gamit ang isang bankrupt na e-wallet app noong 2020.

“Ang tingin ko mas mahigit pa ito sa Pharmally,” sabi ni Senador Manny Pacquiao sa pagdinig sa Senado sa panukalang pondo ng DSWD sa susunod na taon.

Kinuwestiyon ni Pacquiao ang transaksiyon ng DSWD sa Starpay, isang hindi kilalang e-wallet service na kinuha ng DSWD para pamamahagi ng P50 bilyong Social Amelioration Program (SAP).

Matatandaang si Pacquiao ang u­nang nagbunyag noong Hulyo tungkol sa iregularidad sa transaksiyon ng DSWD at Starpay, isang e-wallet service na may P62,000 paid capital.

Sabi ni Pacquiao, nakakuha ang Starpay ng linsensiya para makapag-operate bilang Electronic Money Issuer (EMI) noong 2018.

“Noong 2019, nagdeklara ng pagkalugi itong Starpay tapos pagdating ng 2020, nakakuha sila ng more than P50 billion na galing gobyerno, paano?” tanong ni Pacquiao.

Sabi ni Pacquiao, mahigit P10.4 bilyon pa ang nawawala bagama’t sinasabing nakumpleto na umano ng Starpay ang pamamahagi ng ayuda.

Sa pagdinig, tinanong ni Senador Francis Pangilinan kung ang transaksiyon ng DSWD ay maihahalintulad sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ang Pharmally ay iniimbestigahan ng Senado matapos makakuha ng P8.6 bilyon supply contract sa gobyerno sa kabila ng naitatag lang ang kompanya noong 2019 na may paid capital ng P625,000. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.