Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Starmall 33 oras nagliyab

0 257

Idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fire out na ang sunog sa Starmall sa Alabang, Muntinlupa Linggo tanghali matapos tupukin ng apoy ang nasabing establisimiyento sa loob ng kabuuang 33 oras.

Ganap na alas-12:21 kahapon ng tanghali nang tuluyang maapula ang nasunog na establisimiyento na pag-aari ng pamilya ni bilyonaryo at dating Sen. Manny Villar.

Sa ulat, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng nasabing shopping mall bandang alas-3:43 ng madaling-araw noong Sabado kung saan itinaas sa Task Force Alpha ang alarma rito matapos ang apat na oras.

Samantala, sa isang pahayag ay pinasalamatan ng pangasiwaan ng Starmall ang mga miyembro ng BFP at volunteer group sa National Capital Region, gayundin sa Imus, Bacoor at Dasmariñas sa Cavite dahil sa agarang pagresponde ng mga ito.

Dapat anilang papurihan ang katapangan ng mga bombero at volunteer group na walang pagod sa pagsasalitan para maapula ang pagkalat ng apoy.

Nagpasalamat din ang Starmall management sa mga lokal na pamahalaan at pulisya dahil sa pag-asiste at pagtiyak ng seguridad sa paligid, gayundin sa Maynilad na nagbigay ng water tank para makatulong sa pagpatay sa apoy.

Samantala, nangako ang pamunuan ng Starmall sa kanilang mga tenant na agad silang makikipag-ugnayan sa mga ito sa sanda­ling matanggap na nila ang resulta ng imbestigasyon ukol sa insidente. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.