Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 617

Ika-5 na labas

Napaisip si Gabbie. Sigurado naman siyang mahal niya si John pero bakit nga ba siya nag-aalinlangan. Totoo kayang may ibang hinihintay ang puso niya na siya niyang kapalaran?

Hindi na rin nagtagal at dumating na ang hinihintay ni Gabbie na sasakyan. Nagpaalam na siya kay Manang Delia. Bago tuluyang sumakay sa kotse ay isang malungkot na sulyap ang iniwan niya sa lumang bahay. Naisip niya, ang bahay na iyon na balot ng kapanglawan dulot nang pagkamatay ng lola ni John dala ng labis na kalungkutan ay tila nadagdagan ang bigat na dinadala sanhi naman ng hindi nila pagkakaunawaan ng binata.

“YES!” Tuwang-tuwa si Dave nang makatanggap ng tawag mula sa isang agency.

“Tol, mukhang may good news ah?” si Alfie na bumungad sa pintuan ng office ni Dave at nagulat nang makitang nakangiti mag-isa ang kaibigan.

“Yung agency na kumontak sa’yo dati sa isang case, eto kinontak naman ako ngayon, may ipapatrabaho daw sa’kin.”

“Talaga? anong case ‘yan?”

“Yung kliyente nila, naghahanap daw ng private inspector para hanapin yung anak niyang dalaga na naglayas.”

“Sigurado ka ikaw ang kailangan nila?”

“Tol naman, kailangan nila ko at kailangan ko rin sila, ang hirap mabakante alam mo ‘yan!”

“Oo na, sige na, BTW nandito ako para sabihin sa’yo na tumawag na yung pinsan ko na may-ari ng condo, tamang-tama raw kasi may bakante ngayon, kaya lang nasa 8th floor.”

“Ano?”

“Wala na kasing bakante sa 2nd floor tulad ng gusto mo, wala ka namang choice gusto mo nang lumipat di ba?”

“Oo na, pero baka pansamantala lang din ako sa condo na ‘yon, alam mo namang ayoko sa upper level eh.”

Related Posts

“So pa’no, kelan ka lilipat?”

“Ako ng bahala, kaya ko na ‘yon.”

“Tong taong ‘to, ikaw na nga tutulungan ayaw mo pa, sige una nako.”

Hindi na sumagot si Dave.

Gabi. Hindi makatulog si Gabbie. Bumangon siya mula sa kama at lumapit sa bintana ng kuwarto. Tumanaw siya sa labas. Tumingala sa malawak at malamlam na kalangitan. Ilang beses siyang nag-attempt na tawagan si John kanina pero kabisado niya ito. Alam niyang hindi ito sasagot hangga’t masama ang loob kaya hindi na lang niya itinuloy ang pagtawag. Sigurado namang kokontakin rin siya kapag okay na ito.

“Lord, give me a sign… kapag nakakita ako ng bulalakaw ngayon, ibig sabihin may ibang bituin na nakalaan para sa’kin… ibig sabihin hindi ako para kay John…”

Iyon ang hiniling niyang sign, dahil mas posible na wala siyang makitang bulalakaw at mas gusto niya ang isipin na si John na talaga ang para sa kanya kahit pa may mga hindi sila pagkakaintindihan.

Samantala, sa mga sandaling iyon ay nakatanaw rin si Dave sa langit mula sa terrace ng bago niyang condo.

“Kapag may nakita akong falling star, that means na may babae ring nakalaan sa akin at malapit ko na siyang makilala…”

Sanay na sa pag-iisa si Dave pero deep inside ay ninanais din niya ng babaeng mamahalin balang araw. Yung babae na makakasama niya habambuhay. Hanggang sa pagtanda. Hanggang sa kamatayan.

Ilang saglit lang ang lumipas at isang bulalakaw ang nagpatihulog mula sa kalangitan. Namangha si Dave. Ikinagulat naman iyon ni Gabbie. Pareho silang naging speechless sa kani-kanilang kinaroroonan. Kapwa hindi makapaniwala na sinagot ng langit ang kanilang mga katanungan.

Kinabukasan ay nagmamadaling gumayak si Gabbie. Kailangan na niyang pumasok sa trabaho. Bahala na kung paano niya ia-approach si John kapag nagkita sila, baka yayain niya itong mag-dinner kapag hindi na sila busy. O kapag hindi na ito nagtatampo sa kanya.

Papasok si Gabrielle sa lobby nang makita niya si John na may kausap sa phone habang nakaabang sa elevator. Nagdalawang isip siya kung babatiin niya ito. Lalo na nang makita niyang napasulyap din ito sa kanya subalit agad din nitong inalis ang tingin. Sa huli ay hinayaan na lang niya ito na mauna sa elevator at nang makasakay na ito ay saka siya lumapit para mag-abang ng kasunod.

Naghihirap ang loob niya. Hindi niya gusto na ganoon ang sitwasyon nila ng nobyo. Mahal niya ito at nasasaktan siya sa pag-iwas nito sa kanya. Pero hindi pa sapat ang pagmamahal na nararamdaman niya ngayon para pilitin ang sarili na gawin ang bagay na hindi pa niya gustong gawin. Ang magpakasal.

Habang sakay ng elevator ay kinumbinsi ni Gabbie ang sarili na magpo-focus muna siya sa work. Kailangan ay hindi maapektuhan ng personal niyang problema ang trabaho niya. Kaya naman ang buong maghapong iyon ay inabala niya sa mga paperworks.

Subalit matapos ang nakakapagod na maghapon ay ni hindi nagparamdam sa kanya si John. Nang makauwi na siya sa bahay ay nagdesisyon siyang tawagan ito. Gusto niyang mag-apologize. (Itutuloy)