Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-4 na labas

Sa mga sandaling iyon ay malalim ding nag-iisip si Gabrielle. Pabiling-biling siya sa higaan. Ilang beses siyang nagtangkang bumangon at lumabas ng kuwarto para kausapin si John pero napipigilan niya ang sarili.

“What’s wrong with you Gab?”

Maya-maya pa ay tumayo siya. Marahan ang mga hakbang na lumapit sa pintuan ng kuwarto. Binuksan iyon ng bahagya at sinilip ang binatang inaakala niyang nahihimbing na sa sofa. Nakatalikod kasi ito ng higa mula sa kinatatayuan niya. Nagpasya siyang ­muling bumalik sa higaan at pinilit ang sarili na matulog na rin.

Gising pa si John. Tumayo siya at ilang beses nag-attempt na katukin si Gabby. Subalit sa halip ay nagtungo na lang siya sa terrace. Doon ay nagmuni-muni at pinag-isipang mabuti kung tama ba ang naiisip niyang gawin.

Kinabukasan. Nagising si Gabbie sa ­maingay na pagtilaok ng mga manok sa paligid.

Bumangon siya at inayos ang sarili. Napangiti siya nang makita sa orasan na masyado pa palang maaga. Naunahan niya ang alarm clock niya. Subalit hindi iyon ang dahilan ng pagngiti niya kundi ang isipin at kagustuhan na makabawi sa nobyo, naisip niyang ipagluto ito ng almusal na siya nitong ginagawa parati para sa kanya.

Lumabas siya ng silid at agad napawi ang sigla nang makitang wala na sa sofa si John.

“Grabe, hindi ko talaga siya maunahan sa paggising?”

Dumiretso siya sa kusina. Narinig niya ang mga kaluskos mula roon. Naisip niya na ­tulungan na lang ito sa paghahanda ng ­almusal. Sinuklay pa niya ng daliri ang sariling buhok para tiyakin na maayos ang hitsura niya.

Pero nagulat siya nang si manang ang makita niyang nagluluto ng almusal. Nagsasangag ito ng kanin.

“Manang, s-si John po?”

Nilingon siya ng matanda.

“Ay gising ka na pala ma’am, good morning po. Si Sir John po kani-kanina pa po umalis.”

“Umalis? Sinabi ba kung saan siya ­pupunta?”

“Hindi po eh, basta ang bilin niya ipagluto ko kayo ng fried rice at bacon. Tapos pakisabi ko raw sa iyo na ipapasundo ka na lang niya dito sa driver.”

“Ano?”

Related Posts

Nagsimulang mag-alala si Gabbie. Mukhang dinibdib ng nobyo ang nangyari kahapon para iwanan siya nito ngayon. Lalo pa at hindi pa tapos ang mga seminars na kailangan nilang attend-an.

Bumalik siya sa kuwarto at kinuha ang cellphone. Ilang ulit na idinayal ang number ni John pero cannot be reach ito.

“Hon, sumagot ka please…”
Nag-send na lang siya ng ilang message na sigurado namang mababasa ng binata sa oras na magbukas na ito ng phone.

Nagdadalawang isip si Gabbie kung tatapusin ba niya ang mga seminars o babalik na rin siya ng Manila. Hindi siya matahimik sa sitwasyon nila ngayon ni John. Kailangan niyang magdesisyon.

Naisip niyang tawagan ang uncle niya at makiusap na magpadala na lang muna ng ibang representative na pwedeng um-attend sa seminar. Dahil close naman sila ng uncle niya kaya binanggit na rin niya rito ang pangyayari sa kanila ni John na kailangan niyang ayusin. Naintindihan naman siya nito.

Ang Uncle Rome pa niya mismo ang ­nag-volunteer na ipapasundo na lang siya sa driver.

Habang hinihintay ang sasakyan ay naupo muna si Gabbie sa upuang kahoy na nasa harapan ng lumang bahay. Nilapitan siya ni Manang Delia.

“Ma’am, mukhang nagkaroon po kayo ng ‘di pagkakaunawaan ni sir?”
“Oo manang… medyo… siguro…”

“Tungkol po ba ito sa kasal?”

Napatingin si Gabbie sa matanda.

“P-Paano n’yo po nalaman?”

“E kasi po, kagabi bumangon ako dahil nauuhaw ako, nadaanan ko si sir sa terrace, may hawak na singsing at pinagmamasdan iyon. Ang lungkot-lungkot ng mukha niya kaya naisip ko baka may kaugnayan sa ­singsing ang problema n’yo.”

Marahang napatango si Gabbie.

“Manang, ang hirap po kasing magdesisyon tungkol sa bagay na ‘yan… nu’ng tinanong n’yo po ako kung wala pa ba kaming balak na lumagay sa tahimik, ang sabi ko wala pa sa isip namin ‘yan. Pero ang totoo po gusto na ni John, ako lang ang may ayaw… hindi ko po alam ang eksaktong dahilan kung bakit ayoko pa… naguguluhan din po ako sa sarili ko.”

Dumantay sa balikat ni Gabbie ang kamay ni Manang Delia.

“Hija, hindi naman sa nakikialam ako, ang sa akin ay payo lang. Sa tingin ko kasi may nararamdaman ang puso mo na hindi pa kayang maunawaan ng isip mo, maaaring mahal mo siya ngayon, pero may posibilidad na hindi siya ang ninanais ng puso mo na maging kabiyak at makasama habambuhay.

Kung naniniwala ka sa mga bituin, hindi ka mag-aalala, dahil may isang nakalaan sa’yo na maaaring hindi pa dumarating sa buhay mo, at isang araw makikilala mo siya at saka mo matitiyak sa sarili mo na tama lamang na hindi ka nagpadalus-dalos sa pagdedesisyon sa usaping pag-ibig. Maniwala ka lang sa kapangyarihan nito.”

“Ibig pong sabihin, ang dahilan ng pag-aalinlangan ko ay dahil may nakalaan sa aking iba?”
“Huwag kang magpapakasal kung may pag-aalinlangan diyan sa puso mo, maniwala ka sa destiny.” (Itutuloy)