Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

(Huling labas)

“Umalis na si Gabbie, nasa Canada na siya.”

“Ano?”

Ginawa ni Dave ang lahat ng paraan para makontak si Gabbie. Pero si Elise na mismo ang nagsabi na maging siya ay hindi makontak ang dalaga.

Sa isang restaurant nakipagkita siya rito.

“I’m sorry Dave, hindi siya nag-oonline sa fb, at di ko rin siya matawagan, pati nga yung ate niya, hindi ko makontak, nag-aalala na rin ako.”

“Eh yung Tita Menchie niya at Uncle Rome, wala ka bang makuhang information sa kanila?”

“Pinuntahan ko na rin sila, ewan ko ba do’n sa bff kong ‘yon bakit lagi na lang nawawalang parang bula, basta ang huling sinabi niya sa’kin, ‘wag akong mag-aalala sa kanya at kokontakin na lang daw niya ako kapag nakapanganak na siya.”

“Pero Elise, hindi na ako makapaghintay na makita siya ulit…”

“Alam ko, pero meron lang akong tanong, dahil ba talaga sa kanya o dahil lang sa magiging anak niyo?”

Tumingin si Dave ng diretso sa mga mata ng dalaga.

“Alam mo, ang totoo niyan, ayoko ng anak…ayokong magkaanak…gusto ko lang ng babaeng makakasama ko habambuhay, yung mahal ko at mahal ako…pero binigyan pa ako ng bonus ni Lord, at hindi ko alam na magiging ganito kasaya ang pakiramdam ng isang future dad!”

“Well, sige paniniwalaan ko ‘yang sinabi mo, at sana kapag nagkita na ulit kayo ng bestfriend ko eh hindi na ulit kayo magkahiwalay.”

Sa bawat paglipas ng araw ay lalong tumitindi ang pananabik ni Dave na makita si Gabbie.

Sinubukan pa niyang kumuha ng visa para puntahan mismo ang kinaroroonan ng ate ni Gabbie sa Canada, gusto niyang magbakasakali. Pero denied ang visa niya.

Isang araw naisipan niyang dumalaw sa mga magulang at ganoon na lang ang tuwa ng mga ito nang makita siya.

“DAVE!” ang mommy ni Dave na yumakap agad sa kanya.

Ilang tapik naman sa balikat ang ginawad ng daddy niya sa kanya.

Alam nila na ayaw ni Dave ng drama kaya winelcome nila ito sa isang simpleng paraan. Isang salu-salo kasama si John.

“Dave, anak, pwede bang pagkatapos natin kumain ay kuwentuhan mo naman ako tungkol sa mga nangyari sa buhay mo?” ang mommy nila.

Tumingin si Dave kay John.

“No worries mom, wala namang kuwenta ang buhay ni Kuya Dave, maliban sa isang babae na inagaw niya sa’kin.” Biro ni John.

Nagkatinginan ang mag-asawang matanda.

“Sorry John, nagkataon lang na mas gwapo ako sa’yo at siguro mas mabait.”

“Oo na, pero sisiguraduhin ko sa’yo na higit pa kay Gabbie ang ipapalit ko sa kanya!”

“Okay, aabangan ko ‘yan!”

“Teka muna boys, Dave,pwede bang sa susunod na pagdalaw mo dito ay kasama mo na ang pinag-uusapan ninyong si Gabbie, para naman makilala naming siya?” singit ng mommy nila.

“Sure mom.” Walang gatol na sagot ni Dave.

Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan at pag-aasaran habang kumakain. Matapos kumain ay nilapitan ni John si Dave na nakatayo sa harap ng bahay at nakatanaw sa malayo.

“Ano nga palang masamang hangin ang nag-udyok sa’yo ba magbalik loob sa pamilya mo?”

“Hindi masamang hangin…mabuting hangin…ang mag-ina ko…na-realize ko kasi na magiging ama na rin ako, magkakapamilya kaya panahon na siguro para bumalik ako dito at hingin ang blessings ng mga magulang natin…”

“Tama ‘yan. By the way, next month lilipad ako sa America. Tinanggap ko yung offer sa akin do’n. At least doon, baka makilala ko na yung destiny ko.”

Related Posts

“Gawin mo rin ang ginawa ko, nag-abang ako ng meteor, tapos nag-wish ako at natupad.”

Natawa si John.

“Sorry pero hindi ako naniniwala dyan.”

“Pwes maniwala ka na, para magkatotoo.”

Dahil hindi pa matagpuan ang mag-ina niya ay naisipan ni Dave na bumalik na muna sa isla. Binilinan niya si Elise na kontakin na lang siya kapag nagbalik na si Gabbie.

Balot man ng pag-aalala para kay Gabbie at sa ipinagbubuntis nito, kahit papa’no ay may kasiyahan pa ring nadarama si Dave sa kanyang paghihintay.

Naupo siya sa dalampasigan at pinanood ang papalubog na araw.

“DAVE! DAVE!” si Manong Jo.

Lumingon ang binata.

“Bakit manong?”

“Kelan ka pa dumating? Bakit hindi ka nagpupunta sa resort?”

“Kahapon lang po, bakit ano po bang meron?”

“Ano? Akala ko naman ay tinawagan ka ni Gabbie para bumalik dito?” napapakamot sa ulo ang matanda.

“S-si Gabbie nandito?”

“Pagkaalis niyo ni John ay siyang dating naman dito ni Gabbie.”

Hindi na sumagot pa si Dave, sa halip ay tumakbo na ito patungo sa resort.

Sa dating kuwarto ni Gabbie na naiparenovate na, naabutan ni Dave na natutulog ang dalaga na malaki na ang tiyan. Ginising niya ito sa mga halik.

Nagmulat ng mata ang dalaga at bakas ang kasiyahan sa mukha nang makita si Dave.

“Dave?”

“Ako nga mahal ko!”

Isang mahigpit na yakap ang iginawad ng binata.

“Kung saan-saan kita hinanap, nandito ka lang pala, mabuti na lang at nadeny ang visa ko papunta sa Canada!”

“Paano mo nalamang nandito ako?”

“Sinabi ni manong, nakita niya ko sa Dalampasigan at siguro dahil na rin sa instinct ko na magbalik dito, tulad ng instinct ko na dito kita matatagpuan noong pinapahanap ka pa lang sa akin ni John!”

“S-si John, kumusta na siya?”

“Mahal, marami tayong pag-uusapan, lahat importante, pero bago ang mga ‘yon, gusto ko munang pag-usapan natin ang tungkol sa magiging baby natin!”

Tumayo si Gabbie.

“Tulad ng kung ano ang ipapangalan natin sa kanya?”

“Oo, at tulad ng kung paano at saan natin siya palalakihin!”

Tumango ang dalaga. Tinanggap niya ang mainit at masuyong halik na iginawad ni Dave.

Ang dating Island for broken hearted ay napalitan na ng bagong pangalan mula nang iparenovate ito, naging Island for Love. At sa islang ito ikinasal sina Dave at Gabbie matapos isilang ni Gabbie ang una nilang anak. Nagpatayo sila ng bahay sa Manila at nagpatayo rin sila ng sariling rest house sa isla.

Si John ay natagpuan na rin ang tunay niyang pag-ibig sa katauhan ni Lucy. Muling nagkrus ang landas nila sa America at doon ay nabuo ang true love sa pagitan nila. Doon na rin sila nagpakasal. Subalit matapos ang kasal ay bumalik sila sa Pilipinas at ang dream house na inalay noon ni John para kay Gabbie ay napunta na kay Lucy.

Paminsan-minsan ay nagkakaroon sila ng reunion at ang madalas nilang topic ay ang nakaraan na tinatawanan na lang nila ngayon. (Wakas)