Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-29 na labas

Isang malakas na suntok ang isinagot ni John sa sinabi ni Dave.

“HAYUP KA!” galit na galit na bulalas ni John.

Hindi na rin nakapagpigil si Dave. Gumanti na siya ng suntok. Ilang beses silang nagpalitan ng suntok bago bumukas ang gate. Pareho silang napalingon sa dalaga.

“Gabbie!” si Dave.

“Umuwi na kayo. Wala akong kakausapin sa inyo.”

Nagkatinginan ang dalawang lalaki.

“Pero Gab, hon, pwede bang ayusin na natin ‘to?” si John.

“Hayaan nyo muna akong makapag-isip.”

Bumaling si Dave kay John.

“Narinig mo naman siya diba? Hayaan na muna natin siya.”

“Wala akong tiwala sa’yo.” Tugon ni John kay Dave.

Muli silang inawat ni Gabbie.

“Sige na, umuwi na kayong dalawa.”

Kapwa may mga pasa sa mukha, parehong sumakay sa kani-kanilang kotse sina John at Dave.

Nang makaalis na ang dalawa ay tahimik na pumasok sa loob ng bahay si Gabbie. Bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Napahawak siya sa sa­riling noo. Kasunod noon ay para siyang masusuka.

Dali-dali niyang tinungo ang kusina at sa lababo ay hindi na niya napiglan ang sarili. Sumuka siya nang sumuka. Bigla siyang nagduda.

“Hindi pwede… hindi pwede ‘to…”

Sa mga araw pang dumating ay pinakiramdaman ni Gabbie ang sarili. Binantayan niya ang pagkahilo at pagsusuka niya. Dahil hindi na siya mapalagay ay kumonsulta na siya sa isang OB.

“Congratulations! Positive, you’re 6 weeks pregnant!”

Natulala si Gabbie. Hindi siya makapaniwala. Hindi pa siya handa sa ganitong sitwasyon.

Tinawagan agad niya si Elise at nagkita sila sa isang coffee shop.

“Bes, ibig bang sabihin magiging ninang na’ko?” pinaghalong pagkabigla at tuwa ang rumehistro sa mukha ni Elise nang sabihin ni Gabbie ang bago nitong problema.

“Nakakainis ka naman bes e, seryosong problema ‘to.”

“My God Gabbie, don’t ever call her problem, blessing ‘yan! Ang problemahin mo kung paano ito sasabihin kay Dave, sigurado namang siya ang ama niyan diba?”

“Oo naman no. Pero tama ka, paano ko ito sasabihin sa kanya?”

“E di papuntahin mo siya sa bahay mo, then kausapin mo siya ng maayos. E teka, kumusta naman ang feelings mo para sa kanya?”

“…Mahal ko pa rin siya…”

“Kung gano’n, dapat mo na ring kausapin si John, for closure, lalo pa’t magkaka-baby na kayo ni Dave.”

“Siguro nga.Para sa baby na’to, dapat ko nang ayusin ang lahat.”

Sinadya ni Dave si John sa opisina nito para kausapin tungkol kay Gabbie. Gusto niyang humingi ng tawad kay John at magkasundo sila ng “May the best man win” na lang para sa pag-ibig ng dalaga. Subalit hindi niya ito naabutan sa opisina. Pinapasok naman siya ni Jed kahit pa masama rin ang loob nito sa kanya.

Related Posts

“Nasa board meeting lang siya, dito mo na lang siya hintayin.”

“Okay sige, salamat.”

Iniwan na ni Jed si Dave sa opisina ni John.

Naupo ang binata at inikot ang paningin sa kabuuan ng opisina.

“Hmm, in fairness maganda ang opisina ng mokong na ‘yon.”

Dumako ang paningin niya sa frame na nasa ibabaw ng table nito. Nanlaki ang mga mata niya at pakiramdam niya ay nanindig ang kanyang mga balahibo. Larawan iyon ng isang pamilya. Isang mag-asawa at dalawang batang lalaki na nasa edad 9 at 14.

Dahan-dahan niyang kinuha ang wallet sa bulsa ng pantalon at tiningnan ang larawan doon. Ang larawan nilang magkapatid. Naglipat ang tingin niya sa hawak niyang picture at sa picture na nasa frame sa table ni John.

Biglang bumukas ang pinto at bumungad si John. Kumunot agad ang noo nito nang makita siya.

“Bakit nandito ka?”

Hindi agad nakakibo si Dave. Sa halip ay tanong din ang isinagot nito kay John.

“Ang nasa picture, sino sila?”

“Pamilya ko sila, ano bang pakialam mo?”

“John Daniel? Ikaw ba si John Daniel?”

Hindi sumagot si John. Natawag ang pansin niya sa picture na hawak ni Dave.

“Ano naman ‘yan?” balik tanong ni John.

“Ako at si John Daniel, ang kapatid ko.”

Natigilan si John. Nagkatitigan sila ni Dave.

“Sinasabi mo bang ikaw ang nawawala kong kuya?”

“Hindi ako nawawala Daniel, lumayas ako at alam nina mom and dad kung saan saan ako napunta.”

Naghari ang katahimikan. Pareho silang nanimbang sa sitwasyon at sa katotohanang nasa harapan nila ngayon.

“Hindi, this can’t be true!” si John na nasapo ang ulo.

“Ayoko ring paniwalaan John, pero ang mga larawang ito na nasa harapan natin ang nagpapatunay, na ikaw at ako ay magkapatid, tanggapin man natin pareho o hindi.”

“Umalis ka na Dave! Umalis ka na!”

Tahimik na umalis ng opisina ni John si Dave. Paglabas nito ng pintuan ay ubod lakas na ibinato ni John ang frame sa pinto.

“DAMN!”

Sa lobby ay nakasalubong ni Dave si Gabbie. Saglit silang nagkatitigan. Nagtataka si Gabbie sa kakaibang reaksyon ng mukha ng lalaki.

“Dave…”

Walang salitang lumabas mula sa bibig ng binata. Isang mahigpit na yakap ang iginawad nito sa dalaga at saka nagmamadaling umalis.

“DAVE!”

Hindi na lumingon ang binata. Labis iyong pinagtaka ni Gabbie.

Ilang araw na hindi nagparamdam si Dave kaya nagsimulang mag-alala si Gabrielle. Lalo pa at gustong-gusto na niya itong kausapin tungkol sa pagbubuntis niya.

Ilang beses siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa kama at tumanaw sa labas. Ilang beses na rin siyang nag-attempt na tawagan ang binata pero sa huli ay napipigilan siya.

“Dave… call me please… call me…” (Itutuloy)