Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-20 na labas

Bakit ba kung anu-ano na lang ang pumapasok sa isip niya?

Nagtimpla ng kape si Dave at pinalipas na lang ang gabi sa kakaisip sa dalaga.

Ganoon din si Gabbie. Sa kasalukuyan, habang nagkakape sa terrace si Dave ay nagkakape rin siya sa kusina. Nagtaka pa si Mabel nang maabutan siya roon.

“Oh, Blue Rose, hindi ka rin ba makatulog?”
“Medyo.”

“Naku dapat milk ang iniinom mo, hindi kape, lalo kang magigising niyan!”

“Kursunada ko lang talagang magkape ngayon.”

Naupo si Mabel sa tabi niya.

“Ako, umaga, tanghali, at gabi nagkakape ako kaya sanay na ang bituka ko. Teka, ginugulo ba ang isip mo ni Dave?” tukso ni Mabel.

“Hindi naman, siguro ako lang ang nagpapa­gulo sa isip ko.”

“Naku, kahit wala akong lovelife e, alam na alam ko ‘yan, mahilig kasi akong manood ng mga teleserye. Sa tingin ko naka-move on ka na sa ex mo at ngayon ay unti-unti ka nang nai-in love diyan kay Dave!”

Muntik nang maibuga ni Gabbie ang iniinom na kape.

“Wow ha! Iyan talaga ang conclusion mo?”

“Sa tingin ko lang naman, pero ang sabi ng lola ko, madalas ay tama raw ang instinct ko!”
Napapailing pero nakangiti rin si Gabbie.

Mukhang tama talaga si Mabel. Parang gano’n na nga ang itinatakbo ng sitwasyon. Parang iba na nga ang nararamdaman niya para kay Dave. Pero ayaw niyang kunsintihin ang sarili sa ganoong pakiramdam. Mas mabuti siguro kung magla-lie low siya sa pakikipagkita sa binata para makontrol niya ang sarili.

Related Posts

Nagtataka si Dave kung bakit pagabi na ay hindi pa rin lumalabas si Gabbie. Madalas bago lumubog ang araw ay nakaupo na sila sa buhanginan at nagkukuwentuhan.

“’Wag naman sanang magbago ang isip niya…”
Matiyagang naghintay ang binata.

“Darating siya… darating siya… darating siya… relax ka lang Dave…”

Pero walang Gabbie ang sumipot ng araw na ‘yon kaya labis siyang nag-alala. Inabangan niya ang pagtatapon ng basura ni Manong nang gabing iyon.

“O bakit, may problema ba?”

“‘Yung gf ko po kasi, hindi nagparamdam ngayon, baka naman po puwede n’yong alamin kung anong problema, baka masama ang pakiramdam or what.”

“Gf,gf, tumigil ka na nga diyan, alam ko na ang status nyo ni Blue Rose, natsika na sa akin ni Mabel kaya ‘wag mo na akong linlangin! Naiintindihan naman kita, ganyan talaga ‘pag in love, lahat nang paraan gagawin kahit pa magsinungaling!”
Napakamot sa ulo si Dave.

“E sorry po, Manong.”

“’Wag kang mag-alala, aalamin ko. Hintayin mo lang ako dito.”

Muli ay naghintay si Dave. Ilang saglit pa at muling lumabas ng gate ang matanda.

“Naku kaya naman pala, ang sabi ni Mabel medyo masama raw ang pakiramdam!”
“Talaga po ba?”

“Oo.”

Aktong pipitasin ni Dave ang bulaklak ng gumamela mula sa tanim ng matanda na nasa gilid ng gate.

“O teka, teka, anong gagawin mo?”

“Pipitas lang ako ng konti Manong,ipapabigay ko kay Gabbie, baka sakaling bumuti ang pakiramdam niya.”

“Hindi gamot ang bulaklak, saka tanim ko ‘yan eh.”

“Ikaw naman Manong, parang ‘di mo alam na ang halaman habang pinipitasan ay lalong yumayabong at gumaganda lalo na kung pinitas para sa magandang dalaga!” (Itutuloy)