Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-19 na labas

“O ano, masarap ba?”

“Oo naman, super sarap. Hindi ko alam na magaling ka palang magluto!”

“Thank you. Pero paminsan-minsan lang.”

“Naku pa-humble ka pa. Siguro ang sarap mong maging asawa!”

Natigilan si Gabbie.

“Ahm, sorry, I didn’t mean anything, naisip ko lang masuwerte ang mapapangasawa mo sa sarap mong magluto.”

Hindi pa rin kumibo ang dalaga. Naisip kasi niya si John. Ipinagluluto rin niya ito. At alam niya ang pagnanais nito na mapangasawa siya. Pero paano pa nga ba niya maibabalik ang lahat sa dati? Mukhang ni hindi nga siya hinahanap nito. Baka masaya na ito sa piling ng ibang babae.

“Gabbie… may nasabi ba’kong hindi mo nagustuhan?” may pag-aalala sa tinig ni Dave.

Umiling ang dalaga.

“Ikaw Dave, ‘di ba may gf ka? Ipinagluluto ka rin ba niya?”

“Correction, ex-gf. Actually no, hindi kasi siya marunong magluto, ang alam lang niya magkilay, doon siya perfect!” natatawang sagot ng binate.

“Joke ba ‘yan?”

“Hindi ako nagbibiro, totoo, iyon talaga ang hilig niya, kaya wala siyang time magluto!”

“Pero hindi naman ‘yon kabawasan sa pagmamahal mo sa kanya ‘di ba?”

“Oo naman, wala naman talagang basehan ang pagmamahal eh, basta na lang ito nararamdaman, take it or leave it. Teka nga muna, bakit ba napunta sa ex ko ang usapan?”

“Wala lang. Bakit ayaw mo ba siyang pag-usapan?”

Related Posts

“Ang totoo, ayoko, kasi hindi na interesting.”

“Grabe ka naman. Minahal mo rin naman yung tao. Ganyan ba talaga kayong mga lalaki, kapag sawa na kayo at nakakita na kayo ng mas interesting na iba, kakalimutan nyo na lang yung pinagsamahan at mga pangarap nyo, basta nyo na lang tatalikuran ang lahat. At ni ayaw nyo nang mabanggit dahil hindi na kayo interesado?”

“Teka, teka, teka lang, tungkol pa ba ito sa akin, general, o tungkol na ito sa ex-bf mo?”

Tumanaw sa malayo si Gabbie bago sinagot ang tanong ni Dave.

“Siguro, in general…”

“Hindi ka nagsasabi ng totoo. Gab, you can tell me anything you want. Malay mo mabigyan pa kita ng the best payo ever?”

“Kung papayuhan mo akong bumalik sa kanya, ‘wag na.”

“Tingin mo ba iyon ang ipapayo ko? Siguro mas mabuting malaman ko muna ang buong story bago ako magbigay ng advice.”

Inilipat ni Gabbie ang tingin sa mga mata ni Dave. Inaarok ang sinseridad sa sinabi nito.

Nagulat pa siya nang hawakan ni Dave ang kamay niya.

“Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin sa akin ng kaibigan? Sharing and trusting.”

“Talaga?”

Tiningnan ni Dave ang kamay ni Gabbie na hawak niya.

“Ang kamay na’to, gusto kong hawakan hangga’t wala pa itong makakapitang iba.”

Binawi ni Gabbie ang kamay niya. Tila kasi bigla siyang nakaramdam ng pagkaalangan.

Parang may kung anong kakaibang boltahe ng kuryente ang gumapang mula sa kamay ni Dave patungo sa puso niya.

Araw-araw ay lumalakas ang nararamdaman ni Dave para kay Gabbie. Parang ayaw na niyang bumalik sa Manila. Parang gusto niyang mabuhay na lang siya ng ganito kasama si Gabbie.

Bumangon siya mula sa pagkakahiga at lumabas ng silid. Tinungo niya ang terrace ng inuupahang bahay at tumanaw sa malayo. Napakatahimik ng paligid. Parang walang giyerang nangyayari sa ibang panig ng mundo. Parang mga walang patayan at iba’t ibang krimen na nagaganap sa kasalukuyan. Parang isang paraiso ang lugar na ito at sa paraisong ito narito ang kanyang reyna.

“At ako ang iyong hari Gabbie…” napangiti si Dave sa isiping iyon. (Itutuloy)