Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 617

Ika-17 na labas

Saglit na nag-isip ang dalaga.

“Okay. Bibigyan kita ng chance. Kung mapapangiti mo ako ngayon, sige makikipagkaibigan ako sa’yo. Pero kung mabobored ako, please, ‘wag mo na akong kukulitin ulit, dahil kung may problema ka sa gf mo, may pinagdadaanan din ako kaya magrespetuhan na lang tayo.”

“Okay fine, thank you, I promise, hindi ka magsisisi na binigyan mo ako ng chance!” tuwang-tuwang sabi ng binata.

Naupo sila sa buhanginan. Naka-blouse at tokong naman si Gabbie kaya komportable siyang nakaupo.

“Ahm, di ba friends naman na tayo? So pwede ko na ba malaman ang real name mo?”
“Hindi pa tayo friends di ba?”

“Oo nga pala, kailangan munang mapangiti kita.”

Natahimik si Dave. Lumipas ang ilang saglit na naghari ang katahimikan. Si Gabbie na ang bumasag niyon.

“O, bakit nawalan ka ng kibo diyan?”

“Wait lang, nag-iisip pa kasi ako ng joke eh.”

Gustong matawa ng dalaga pero pinigilan niya ang sarili.

“Buti pa, magkuwento ka na lang tungkol sa sarili mo. Pero yung totoo lang ha.”

“Sure, wala naman akong pinaretoke sa sarili ko e, kaya totoo ako.”

“Nakakatawa.” Pero walang ngiting sumilay sa labi ni Gabbie.

“O sige na nga, ibang joke na lang.”

“Alam mo mauubos ang oras natin kakaisip mo ng joke, sabihin mo na lang sa akin ang background mo para makilala kita.”

“Kasi, pag background ko ang pag-uusapan natin, sigurado akong mabobored ka lang… kaya nag-iisip ako ng mas magandang pag-usapan… bakit kaya hindi na lang yung background mo?”

“Ayoko rin.”

“Boring din ba? o sige ganito na lang, magjack en poy tayo, ang matatalo, siya ang magkukuwento, best of three?”

Saglit na nag-isip ang dalaga.

“This is crazy, pero sige, let’s be crazy sometimes.”

Nagbato-bato pik nga ang dalawa. Sa unang round ay natalo si Dave. Sa ikalawang round ay si Gabbie naman ang natalo. Seryoso nilang tiningnan ang isa’t-isa sa mga mata sa huling round.

“I think this game is mine.” Si Dave.

“No, it’s mine.”

At ang resulta…

“YES!”

“Congrats Dave!” halos pabulong na sabi ni Gabbie.

Related Posts

“So pa’no ‘yan Blue Rose, umpisahan mo na ang pagkukuwento sa pagsasabi ng totoo mong pangalan.”

Napabuntong hininga ang dalaga. Pero sport siyang tao kaya susundin niya ang napagkasunduan nila.

“Okay, okay, just call me Gabbie or Gab.”

Nagpatuloy ang pagkukuwento ni Gabbie ng ilang bagay tungkol sa kanya pero hindi siya nagbibigay ng mga personal na impormasyon dahil stranger pa rin ang kaharap niya.

Nakatitig lang si Dave habang nagkukuwento ang dalaga. Natutuwa siyang pagmasdan ang maamong mukha nito. Napakaganda niyon sa kanyang paningin.

“Teka nga muna, ba’t ba ganyan ka makatingin?” pansin ni Gabbie.

“Sorry Gabbie, ganito kasi ako kumilatis ng tao, at alam mo ba, sa tingin ko, mabuti kang tao.”

Seryoso ang pagkakasabi ng binata pero hindi naiwasan ni Gabbie ang mapangiti.

“O ‘yan ha, ngumiti ka, ibig sabihin napasaya kita kaya magkaibigan na tayo!”

“Heh! Natatawa kasi ako sa sinabi mo, so habang dumadaldal pala ko dito eh hindi ka nakikinig sa sinasabi ko dahil kinikilatis mo’ko?”

“Hindi naman sa gano’n, pinapakinggan kita, at the same time ay kinikilatis kita.”

“Wag ka na nga magpalusot diyan, o ayan nakapagkuwento na’ko tungkol sa’kin, it’s your turn!”

“Wala sa usapan ‘yan, ang usapan natin ang matatalo ang siyang magkukuwento.”

“Pwede naman natin i-break ang rule paminsan-minsan diba?”

Natigilan si Dave sa sinabi ng dalaga. Hindi siya sugurado kung may ibang kahulugan ang sinabi nito, pero sinang-ayunan niya.

“Oo, tama ka, pwede nating i-break ang rules… Kahit minsan lang…”

“O, bakit ang seryoso mo naman ngayon, may pinagdadaanan ka ba?”

“Hindi, wala, sa tingin ko ikaw ang may pinagdadaanan, I want you to know that I can be your shoulder.”

Hindi sumagot si Gabbie. Sa halip ay isang malalim na buntong hininga ang naging tugon niya.

Naging simula iyon ng malimit na pagkikita ng dalawa. Hanggang sa mamalayan na lang ni Gabbie na hindi na halos niya naiisip si John.

“No, hindi pwede ‘to…” kausap ng dalaga sa sarili habang nakaharap sa salamin.

“Yes, I know Gab, you’re here to forget John, pero hindi dahil sa tulong ng isang lalaki rin, hindi para sa iba, kundi para sa sarili mo…” patuloy na kausap ni Gabbie sa sarili.

Ilang mahihinang katok ang nagpalingon sa kanya sa pintuan. Tumayo siya at binuksan iyon.

“Father!”

Nagmano siya at pinapasok ang pari sa kuwarto.

“Gabbie, pwede ba kitang makausap?”

“Opo naman, tungkol po ba saan?”

Naupo ang pari sa upuang malapit sa bintana bago muling nagsalita. (Itutuloy)