Una sa Balita

Star-Crossed Lovers

By
0 713

Ika-14 na labas

“Eto, hindi ba’t si Blue Rose ito?”

Nagulat si Mabel.

“S-siya nga ito ah! Saan mo naman nakuha ‘tong picture na’to?”

“’Yung lalaki sa labas kanina, nobyo niya, ­hinahanap siya at gustong humingi ng tawad. Pinakiusapan ako na ihatid sa kanya itong sulat.” Sabay abot din ni Manong ng sulat sa babae.

“Teka, paano naman niya nalaman na nandito si Blue Rose?”

“Hindi nga siya sigurado, nagbabakasakali lang daw siya, kaya nga ipinabigay itong picture kung makikita ko dito eh.”

“Naku Manong, sigurado ka ba, baka mamaya masamang tao ‘yung nakausap n’yo?”

“Magaling akong kumilatis ng tao, at sa tantya ko’y mukha naman siyang mabait at nagsasabi ng totoo.”

Saglit na nag-isip si Mabel bago pumayag.

Ilang mahihinang katok ang narinig ni Gabbie mula sa labas ng pintuan. Binuksan niya iyon.
“Ate Mabel, bakit?” bungad ng dalaga.

“Blue Rose, eto o, inabot sa akin ni Manong Jo. May nagpaabot lang din daw sa kanya, importanteng makarating daw sa’yo.”

Alanganing inabot ni Gabbie ang sulat mula kay Mabel.

“Sulat?”

Related Posts

“O pa’no, maiwan na kita ha, kung may problema sa sulat na ‘yan, tawagin mo lang ako.”
“S-sige po, salamat.”

Nang makaalis ang babae ay binuklat ni Gabbie ang sulat.

“Pwede ba tayong mag-usap? Hihintayin kita sa tabing dagat- JOHN?”

Nagtataka si Gabbie kung paano nalaman ni John na nandito siya gayong ni hindi niya naikuwento rito ang tungkol kay Father Simeon at sa resort na ito. Hindi rin ito alam ng Tita Menchie niya at Uncle Rome. At hindi rin niya ito nabanggit kay Elise.

Sadyang inilihim niya ang tungkol dito dahil sa tuwing nalulungkot siya noong teenager pa lang siya ay dito siya tumatakbo. Kay Father Simeon na matalik na kaibigan ng Daddy niya.

Low profile si Father Simeon dahil sadyang tahimik itong tao. Dito lang siya kilala sa kanyang bayan ng mga matatagal ng nakatira dito. At dito rin nakilala ni Father ang Daddy ni Gabbie noong minsang magbakasyon sila sa isa sa mga resort dito. Naging mag-best friend ang mga ito nang sagipin ng daddy ni Gabbie si Father sa muntik nitong pagkalunod. Mula noon ay madalas nang dalawin ng daddy ni Gabbie si Father Simeon.

Kung nabanggit man ito ng mga magulang ng dalaga sa mga kaanak nila, malamang ay nakalimutan na rin ng mga ito dahil hindi rin naman makuwento ang mag-asawa. Hanggang sa mamatay sa atake sa puso ang daddy ni Gabbie at mamatay naman sa breast cancer ang ina. Ang ate ng dalaga ay nasa Canada na at doon naninirahan ngayon sa piling ng sarili nitong pamilya.

Kaya nagtataka ang dalaga kung paano siya nasundan ni John dito? Pero duda siya sa sulat. May pagkakahawig subalit parang hindi talaga ito ang sulat kamay ni John.

Pinag-iisipan ni Gabbie kung dapat ba siyang makipagkita kay John o sa kung sinumang gumawa ng sulat? Kung hindi siya makikipagkita, paano niya malalaman. Pero paano kung totoong kay John nanggaling ang sulat? Anong sasabihin niya? Hangga’t maaari mas gusto pa rin niya ang mapag-isa muna.

Hindi pa siya handang humarap ulit kay John. Hindi pa siya sigurado kung handa na basiyang makipag-usap dito. Mawawalan ng saysay ang ginagawa niyang paghilom sa sariling ­sugat kung muli niya itong bubuksan sa pakikipagkita kay John.

Lumapit sa bintana si Gabbie at tumanaw sa ­labas. Mula sa bintana ng silid na iyon ay matatanaw ang labas ng resort hanggang sa baybayin ng dagat. Napakatahimik at wala siyang makitang tao. Hindi pa rin siya makapagdesisyon. Nagtatalo ang puso’t isipan niya. Muli niyang binasa ang sulat. Paulit-ulit. Hanggang sa makumbinsi niya ang sarili.

Ilang oras nang naghihintay si Dave at nagsisimula na rin siyang mainip. Naisip niya, paano kung mali siya ng hinala? Paano kung wala naman talaga doon si Gabbie? Kung hindi naman talaga si Gabbie yung nakita niya? Di bale, makakahanap pa naman siya ng ibang paraan kung sakali man na hindi niya matagpuan rito ang dalaga.

“I’ll find you Gabbie. Kung kinakailangang ­galugarin ko ang buong mundo gagawin ko, alang-alang sa malaking halagang katumbas mo.” Sa isip ng binata.

Mula sa kinauupuang buhanginan ay tumayo si Dave at naglakad-lakad. Napansin niya ang kagandahan ng lugar. Kung papipiliin siya, mas gusto ­niyang manirahan sa ganitong klaseng lugar. Maganda. Tahimik. Payapa. Nakaka-fresh ng isip. Pero sa mga sandaling ito parang unti-unti ng ginugulo ni Gabbie ang isip niya. Sa tuwing titingnan niya ang larawan nito ay tila may kakaibang pitik sa puso siyang nararamdaman.

Papalubog na ang araw nang magpasyang lu­mabas si Gabbie mula sa resort. Marahan ang mga naging paghakbang niya. Puno ng kaba ang dibdib. Buo ang pasya niya na hindi siya makikipagbalikan kay John. Kakausapin lang niya ito para bigyan ng tuldok ang lahat. Para linawin dito na tapos na ang lahat sa kanilang dalawa at tanggap na niya iyon. (Itutuloy)